Barikada laban sa Oceanagold
MULING ITINAYO NG mga residente sa Sityo Camgat, Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya ang kanilang barikada noong Hunyo 6 upang pigilan at kundenahin ang patuloy na pagmimina ng Oceanagold Philippines Inc. (OGPI), isang dambuhalang kumpanyang Australian na nagmimina ng ginto at tanso, kahit pa paso na ang kontrata nito.
Itinayo ang barikada sa haywey na daanan ng mga sasakyan ng Oceanagold. Ayon sa mga residente, magpapatuloy ang barikada hanggang ganap nang mapalayas ang minahan sa kanilang komunidad. May 50 hanggang 100 residente ang nagbabantay dito sa loob ng 24 oras kada araw. Mula Hulyo 1, walang trak o gamit ng kumpanya ang nakalusot dito. Bago nito, pinagbawalan na rin ng lokal na gubyerno ang mahigit 12,000 ektaryang operasyon ng kumpanya.
Notoryus ang minahan sa mawalakang paninira sa kapaligiran, pagpapalayas at karahasan laban sa mga magsasaka at katutubo. Mula nang magsimula ang operasyon noong 1994, ekta-ektarya nang kagubatan ang nakalbo at unti-unting naubos ang inuming tubig dulot ng pagkalason ng mga ilog. Dalawang manggagawa na rin nito ang namatay dahil sa hindi ligtas na kundisyon sa minahan.
Kaugnay nito, nagmartsa ang Kalikasan People’s Network Alliance for the Environment noong Hulyo 2 patungo sa Mines and Geosciences Bureau bilang pagsuporta sa paglaban ng mga residente.