“Gera kontra-droga,” pinaiimbestigahan ng 28 bansa

,

Dalawampu’t walong BANSA ang sumuporta sa isang resolusyon na inihain sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) noong Hulyo 4, para itulak ang konseho na ituloy ang imbestigasyon sa lumalaking bilang ng mga pinaslang sa Pilipinas sa ilalim ng “gera kontra-droga.” Inaasahan na mapagdedesisyunan ng UNHRC ang naturang resolusyon, na inihain ng Iceland, bago magsara ang sesyon nito sa Hulyo 12. Karamihan sa mga pumirma ay mga bansa sa Europe.
Kung maaprubahan, bubuo ng komprehensibong ulat ang hepe ng konseho na si Michelle Bachelet sa kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas. Nilaman din ng resolusyon ang paghikayat sa mga gubyerno na makiisa sa mga upisina ng United Nations sa pagbubukas ng bansa para sa mga pagbisita at pag-iwas sa pananakot at retalyasyon sa isasagawang imbestigasyon.
Ipinasa ang naturang resolusyon ilang araw matapos mapatay ang isang 3-taong gulang na batang babae sa operasyon ng pulis noong Hunyo 29. Sa araw na iyon, sinugod ng mga pulis ang bahay ni Renato Ulpina, ama ng bata, sa Rodriguez, Rizal. Binasag ang mga bintana at pinagbabaril ang bahay. Nasa loob ng bahay ang buong mag-anak na Ulpina.
Nagpalusot pa ang PNP sa pagsasabing hindi maiiwasan na may mangyaring masama sa mga operasyong ito, taliwas sa mahigpit na tungkulin ng mga nasa awtoridad na pangalagaan ang kaligtasan ng mga inosente, laluna ng mga menor de edad. Tinatayang higit 50 menor de edad na ang namatay dahil sa mga operasyon.

“Gera kontra-droga,” pinaiimbestigahan ng 28 bansa