Ipamalas ang galit at lakas ng bayan
Walang duda, si Duterte ang pambansang maton ng Pilipinas. Balot ng bakal, asta niya’y wala siyang kinatatakutan.
Hawak niya ang armadong mga tauhan na walang utos na di sinunod. Ilampung libo na ang pinatay, milyun-milyon ang sinisindak. Hawak niya ang kabang-yaman ng bayan. Nasa bulsa niya ang kongreso at hawak sa leeg ang mga korte. Ang sinumang humarang ay sinasagasaan at bara-barang idinadawit sa droga. Ang sinumang manindigan ay kaibigan ng mga komunista.
Ang buong bansa ay nakapailalim sa kanyang tiraniya. Buong bayan ang nagdurusa. Walang trabahong makuha, walang lupang masaka. Walang umento at walang awat ang pagtaas ng presyo. Pamilyang Duterte ang yumayaman, sampu ng mga sindikato at oligarkong pinapaburan at mga kasosyong kapitalistang dayuhan. Kaliwa’t kanan ang pangungutang para sa mga proyektong pinagkakakitaan. Hindi naman ang mamamayan ang makikinabang subalit ang pagbayad ay sa kanila pinapapapasan.
Subalit sa likod ng kanyang asta, nangangatog ang tuhod ni Duterte. Habang lango sa kapangyarihan, desperado ang kapit niya sa poder. Takot na takot siyang tumumba sa kanyang trono. Labis ang pangamba niyang papanagutin siya sa di mabilang na mga krimen at kasalanan sa bayan. Bangungot niya ang makulong at mamatay sa kulungan.
Pinakakinatatakutan ni Duterte ang magkaisa at magbangon ang milyun-milyong inaapi at pinagsasamantalahan, ang mga naghihirap at nagugutom, ang mga pumapasan ng bigat ng krisis, ang mga naghihikahos, ang mga naghihinagpis na ina, ang mga anak na di makapag-eskwela, sa madaling salita, ang masang magsasaka at manggagawang Pilipino. Kinatatakutan niyang siya’y ibagsak katulad nang ibinagsak ng sambayanan si Marcos at Estrada.
Sa takot ni Duterte na ito’y magkatotoo, walang patid ang panggigipit, paniniil, paninindak at pandarahas niya laban sa patriyotiko at demokratikong mga pwersa. Target niya ang mga aktibista, mga unyonista at organisador sa hanay ng iba’t ibang sektor, maging ang mga tagapagtaguyod sa karapatang-tao, taong-midya at mga abugado.
Gamit ang pinaglumaan nang doktrinang antikomunista at antiterorista, pinararatangan sila ni Duterte na sangkot sa armadong kilusan, minamanman ang bawat kilos, sinasampahan ng gawa-gawang kaso, ibinibilanggo at pinapaslang. Layunin ni Duterte na patahimkin ang pambansa-demokratikong kilusang masa na nasa unahan at gulugod ng paglaban ng buong sambayanang Pilipino.
Ang paggamit ni Duterte ng buong lakas ng estado para supilin ang bayan, sa saligan, ay tanda ng mahina at marupok na naghaharing sistema at malalim nitong krisis sa pulitika at ekonomya. Ipinakikita nito na hindi kaya ni Duterte na idaan sa pagkumbinse ang bayan sa pamamagitan ng pagharap sa kanilang mga hinaing at pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Sa mata ng bayan, naubusan na ng karapatang moral si Duterte na mamuno, matapos ang tatlong taon ng maramihang pagpatay, lalong paglaganap ng droga, bigong mga pangakong tapusin ang kontraktwalisasyon, pagpigil sa pagtaas ng sahod, huwad na reporma sa lupa, gutom at paghihirap sa kanayunan, panunupil at mga abusong militar, kataksilan sa bayan, pagbenta sa karapatan at patrimonya ng bansa, pagyuko sa dayuhang kapangyarihan, habang siya’y nagpapakasasa at nagpapayaman sa krimen at paglustay sa bilyun-bilyong pondo ng bayan.
Ang kawalan ni Duterte ng karapatan at katayuang moral na mamuno ay binabawi lamang niya sa kapangyarihan hango sa purong pasistang dahas ng estado. Hangga’t hindi nakahaharap si Duterte ng mas malaking pwersa, patuloy niyang iwawasiwas ang kanyang kapangyarihan sa paniniwalang habampanahon siyang makapaghahari gamit ang takot at terorismo.
Sariling kasaysayan ng sambayanang Pilipino ang nagtuturo na pantasya lamang ang ambisyon ng mga diktador na habambuhay na maghari. Hangal si Duterte kung inaakala niyang walang kapangyarihang hihigit sa kanya. Tulad ng ipinakita ng sambayanang Pilipino noong 1986 at 2001, walang laban ang mga tirano’t diktador sa nagkakaisang bayan!
Napapanahon nang wakasan ang paghahari ni Duterte. Labis na pagdurusa pa ang daranasin ng bayan kung magtatagal pa siya nang tatlong taon sa poder. Dapat nang muling ipamalas ng sambayanan ang kanilang kapangyarihan. Ito ay kapangyarihan na nagmumula sa pagkakaisa sa diwang patriyotiko at demokratiko. Mula sa mga pabrika at paaralan, at mga komunidad sa kalunsuran at kanayunan, dapat sama-samang dagsain ng milyun-milyon ang lansangan sa mga syudad at sentrong bayan. Basagin ang takot at sabay-sabay na sumisigaw ng katarungan at kalayaan laban sa tiraniya at terorismo.
Dapat ubos-kayang magpunyagi ang Bagong Hukbong Bayan na kunin ang inisyatiba upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersang militar, pulis at mga armadong tauhan ni Duterte na naghahasik ng teroristang karahasan laban sa mamamayan.
Padagundungin sa buong kapuluan ang mga yabag ng masang anakpawis at lahat ng nagmamahal sa kalayaan at demokrasya. Yanigin ang rehimeng US-Duterte. Yanigin ang buong Pilipinas.