Manggagawa ng NutriAsia Laguna, nagwelga

,

IKINASA NG MGA manggagawang kasapi ng Kilusan ng Abanteng Seksyon ng Anakpawis sa NutriAsia (KASAPINA-OLALIA-KMU) ang kanilang welga sa harap ng pabrika sa Cabuyao City, Laguna noong madaling araw ng Hulyo 6. Kinandado ng daan-daang manggagawa ang tatlong tarangkahan ng planta para pigilan ang operasyon nito at harangan ang paglabas-masok ng mga produkto.
Bilang tugon, marahas na binuwag ng mga maton at pulis ang kanilang protesta. Gumamit ang mga pulis ng backhoe para wasakin ang tarangkahan. Labimpitong manggagawa ang inaresto, kabilang ang isang babae, at ilan ang nasugatan.
Inilunsad ng mga manggagawa ang welga bilang pagkundena sa kabiguan ng kumpanya na ipatupad ang utos ng DOLE noon pang nakaraang taon na gawing regular ang mga manggagawa. Sa kasalukuyan, mahigit 1,000 ang kontraktwal sa planta nito sa Cabuyao. Inirereklamo rin ng mga manggagawa ang barat na sahod, at di makataong kalagayan sa paggawa.
Una nang nalantad ang malawakang kontraktwalisasyon sa NutriAsia nang magwelga ang mga manggagawa nito sa Bulacan noong nakaraang taon. Ang NutriAsia ang pinakamalaking kumpanyang gumagawa ng mga produktong ketsap, sarsa, sawsawan at mantika sa bansa. Ito ay pagmamay-ari ng burges kumprador na si Joselito Dee Campos Jr., anak ni Joselito Yao Campos Sr., na kilalang kroni ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Manggagawa ng NutriAsia Laguna, nagwelga