Pandarahas at nakalalasong kalagayan sa Pepmaco

,

Hampas ng batuta, pambobomba ng tubig at malalaking tipak ng bato ang bumulahaw sa mahigit 200 manggagawang natutulog sa kanilang kubol sa harap ng pagawaan ng Peerless Products Manufacturing Corporation (Pepmaco) sa Calamba, Laguna noong Hunyo 28, ala-una ng madaling araw.
Isinagawa ang atake ng 20 maton ng kumpanya para buwagin ang piketlayn ng mga manggagawa at itaboy sila sa lugar. Labindalawang welgista ang malubhang nasugatan. Winasak din ng mga maton ang kanilang kubol at mga kagamitan, kabilang ang inimbak nilang mga pagkain. Tinangay pa ng mga kriminal ang kanilang personal na mga gamit.
Ang Pepmaco ay kumpanyang gumagawa ng sabon at shampu na kilala sa mga produktong Champion, Hana at Calla. Pagmamay-ari ang kumpanya ng kapitalistang si Simeon Tiu. Mula 2013 hanggang 2016, nakisosyo si Tiu sa Lion Corporation, ang pinakamalaking kumpanyang gumagawa ng tutpeyst sa Japan. Ang Lion Corporation ay kilala sa produkto nitong Systema na ibinebenta na rin ng Pepmaco. Ang mga manggagawa ng Pepmaco ang nagpoprodyus at nagsusuplay ng kemikal na surfactant sa mga kumpanya ng Procter and Gamble at ACS, na inaangkat sa ibang bansa.

Mga paglaban ng PWU
Noong nakaraang taon pa nagsimulang magprotesta ang mga manggagawa sa Pepmaco. Itinatag nila ang Pepmaco Workers Union (PWU-NAFLU-KMU) noong Enero 2018 at inilunsad ang kampanya laban sa kontraktwalisasyon, pambabarat sa sahod, kawalan ng benepisyo at hindi ligtas na kalagayan sa paggawa. Rumurok ang paglaban ng mga manggagawa nang ikasa nila ang kanilang welga noong Hunyo 4.
Mula nang ilunsad ang kampanya, umaabot na sa 64 manggagawa, kabilang ang mga lider ng unyon, ang iligal na sinisante ng kumpanya.
Noong Setyembre 2018, nalantad sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment na malawakang ipinatutupad ng Pepmaco ang kontraktwalisasyon sa porma ng job outsourcing. Para takasan ang mga ligal na obligasyon nito at pababain ang gastos sa lakas paggawa, hindi nito direktang iniempleyo ang mga manggagawa at sa halip ay gumagamit ng mga ahensya sa paggawa. Kabilang sa mga pinagkukuhanan nito ng mga manggagawa ang Luxor Manpower, VMS at JER Human Resources Corp.

Barat na sahod, nakalalasong kalagayan
Sa 500 manggagawa ng Pepmaco, 400 ang kontraktwal mula sa mga ahensya, habang 50 kontraktwal naman ang direkta nitong iniempleyo. Samantala, 50 lamang ang regular na empleyado nito, na karamihan ay mga superbisor at chemical engineer na hindi direktang lumalahok sa produksyon.
Karamihan sa mga manggagawa ay 10-15 taon nang kontraktwal at nagtitiis sa P373-P400 kada araw. Tumataas lamang ang kanilang sahod dahil sa regular nilang pag-oobertaym ng apat na oras araw-araw.
Sa pag-aaral na isinagawa ng unyon, tinatayang may kakayahang lumikha ang 15 manggagawa ng P2.3 milyong halaga ng sabon sa loob lamang ng 12 oras. Sa halagang ito, umaabot lamang sa P13,000 ang kabuuang napupunta sa mga manggagawa.
Walang benepisyo ang mga manggagawa. Ang kanilang mga kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-ibig ay hindi inireremit at pinagkakakitaan pa ng kumpanya. Sapilitan namang pinagbibitiw sa trabaho ang mga buntis.
Bukod dito, nalantad din na lumalabag ang kumpanya sa mga istandard sa kalusugan at ligtas na trabaho. Sa mga planta nito, wala ni anumang proteksyon ang mga manggagawa kaya direkta nilang nahahawakan at nalalanghap ang nakalalasong mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng sabon. Iniinda nila ang pagkasunog ng balat, pamumula at pangangati ng mata at kahirapan sa paghinga. Wala ring klinika, mga babala at fire exit sa loob ng pagawaan.

Pandarahas at nakalalasong kalagayan sa Pepmaco