Pilipinas, isa sa pinakamasahol na bansa para sa mga manggagawa
Noong Oktubre 2018, inatasan ni Rodrigo Duterte ang mga elemento ng pulis na “barilin” ang mga manggagawang bukid na maglulunsad ng bungkalan. “Kung lalaban sila nang marahas, barilin ninyo,” aniya. “Wala akong pakialam kung mamamatay sila.”
Binanggit ni Duterte ang mga salitang ito ilang oras lamang bago naganap ang pagpaslang sa siyam na manggagawang bukid sa Hacienda Nene, Sagay City sa isla ng Negros. Hindi katakataka na sa ulat ng International Trade Union Confederation (ITUC) noong Hunyo, inilahad nito ang kaso ng Sagay bilang isa sa batayan ng pagtukoy sa Pilipinas bilang isa sa 10 bansang pinakamasahol para sa mga manggagawa.
Sa tatlong magkakasunod na taon, kabilang ang Pilipinas sa nangungunang 10 bansa na tinaguriang “pinakamasasahol na bansa para sa mga manggagawa.” Ngayong taon, kahanay ng Pilipinas ang Brazil, Saudi Arabia, Algeria at Bangladesh sa may pinakamasahol na rekord sa paggalang sa mga karapatan sa paggawa. Batay sa pag-aaral ng ITUC, kabilang sa pinakanilalabag na mga karapatan ng manggagawa ang karapatang magwelga (nagaganap sa 85% ng mga sinarbey na bansa), karapatan sa kolektibong pakikipagtawaran (80%), karapatan na magtayo o sumali sa unyon (74%), mga karapatang sibil at karapatan sa mga aktibidad ng unyon. Parami nang parami ang mga bansang marahas na sumusupil sa welga at sinasampahan ng mga kasong kriminal ang mga welgista.
Sa Asia-Pacific, lahat ng mga bansa ay lumabag sa karapatan sa kolektibong pakikipagtawaran. Sa Pilipinas, ipinapasa pa ng reaksyunaryong estado ang mga batas para tiyaking gipit ang mga karapatan sa paggawa. Higit dito, nakapagtaya na ang Karapatan ng 20 kaso ng pagpaslang ng mga manggagawa, arbitraryong pag-aresto at detensyon ng mga unyonista at organisador sa hanay ng mga manggagawa. Laganap ang pambubuwag ng mga welga, piket at protesta, pagbabanta at pananakot, Red-tagging at pananakit sa sektor.