Trump, sukdulan ang pang-aapi sa mga migrante
UMANI NG BATIKOS ang kontra-migranteng patakaran ni Donald Trump nang kumalat sa masmidya ang larawan ng mga bangkay ng mag-amang Salvadoran na nalunod sa Rio Grande noong Hunyo 4. Kinilala ang mag-ama na sina Oscar, 25, at Valeria Martinez, 3. Tinangka nilang tumawid sa Rio Grande mula Mexico tungong Texas sa US para magsangtwaryo at maghanap ng kabuhayan.
Ang kinahinatnan ng mag-amang Martinez ay isa lamang sa mga trahedyang patuloy na dinaranas ng mga migrante dulot ng higit pang pagpapahigpit ni Trump sa proseso ng pagtanggap sa kanila.
Kabilang sa mga mekanismo para pahirapan ang mga migrante ang “family separation policy” (patakaran sa paghihiwalay ng pamilya) ni Trump. Bagamat noong Abril 2018 lamang niya inanunsyo ang patakaran, ipinatupad na niya ito mula pa noong 2017. Sa ilalim nito, magkahiwalay na idinedetine ang nahuhuling mga migranteng walang papeles at kanilang mga anak. Ang mga magulang ay ikinukulong sa mga pederal na bilangguan nang hanggang anim na buwan habang ang kanilang mga anak ay inilalagay sa mga sentrong detensyon na pinangangasiwaan ng US Department of Health and Human Services.
Agad na nalantad na walang mekanismo ang nasabing patakaran para muling pagsamahin ang mga pamilya. Kadalasan, sadyang hindi isinasadokumento ng mga ahenteng pederal ang paghihiwalay sa pamilya para pahirapan ang mga magulang na hanapin ang kanilang mga anak. Dahil dito, may mga kaso na inaabot nang buwan bago matunton ng mga magulang ang kanilang mga anak. May mga kaso rin kung saan unang dinedeport ang mga anak nang hindi nalalaman ng mga magulang. Tinatawag ni Trump ang estratehiyang ito na “zero tolerance” (walang pagpaparaya). Ginagamit niya ito para takutin at pigilan ang mga dayuhang nagnanais maghanap ng seguridad at disenteng buhay na magtungo sa US.
Dahil sa malawakang pagbatikos, napilitan si Trump na pumirma ng kautusan para sa pagpapawalambisa sa patakaran noong Hunyo 2018. Subalit sa kabila nito ay patuloy na ipinatutupad ang kontra-migranteng patakaran. Sa isang ulat noong Mayo, inamin mismo ng rehimeng Trump na may 1,712 pang mga bata ang nahiwalay sa kanilang magulang mula nang ibasura niya ang patakaran. Noong nakaraang buwan, nalantad naman na walang sapat na pagkain at gamit sa sanitasyon ang isang sentrong detensyon para sa mga bata sa Clint, Texas.