Adyendang lehislatibo para sa todong liberalisasyon
Sa darating na State of the Nation Address ni Rodrigo Duterte sa Hulyo 22, tiyak na muli siyang magpapamalas ng tahasang pangangayupapa sa imperyalista niyang among US sa pamamagitan ng pagprayoritisa sa neoliberal na mga reporma sa ekonomya. Ang mga repormang ito ay matagal nang itinutulak ng US sa ilalim ng The Arangkada Philippines Project (TAPP).
Layunin ng naturang mga repormang ang isagad ang liberalisasyon ng lokal na ekonomya sa pamamagitan ng pagpapaluwag o tuluyang pagbabaklas ng mga restriksyon sa pamumuhunan ng mga multinasyunal at mga subsidyaryo nito. Sa nakaraang tatlong taon, sunud-sunod nang naglabas si Duterte ng mga kautusang ehekutibo, gayundin ang mga ahensya ng gubyerno, para paisa-isang ilusot ang mga hakbanging neoliberal.
Pag-amyenda sa PSA
Kabilang sa mga target na pasukin ng mga multinasyunal ang subsektor ng telekomunikasyon at transportasyon na bahagi ng pampublikong mga utilidad. Batay sa depinisyon sa reaksyunayong batas, ang pampublikong mga utilidad ay yaong mga “bagay o serbisyong kinakailangan ng isang komunidad.” Dahil itinuturing na estratehikong mga empresa, isinasaad sa Konstitusyong 1987 na hindi maaaring humigit sa 40% ang dayong pagmamay-ari sa mga pampublikong utilidad. Gayunpaman, walang patumanggang nilalabag ang batas na ito at marami sa mga kumpanya sa telekomunikasyon at transportasyon ay hawak na ng dayuhang kapital. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagpapautang at sosyohan sa mga lokal na kumprador.
Para ituluyang baklasin ang natitira pang proteksyon sa subsektor, itinutulak ng rehimen ang pag-amyenda sa Public Services Act (PSA o batas sa pampublikong mga serbisyo). Alinsunod sa rekomendasyon ng TAPP, tatanggalin sa listahan ng pampublikong mga utilidad ang telekomunikasyon at transportasyon. Ililimita na lamang ang saklaw nito sa “distribusyon at transmisyon ng kuryente, serbisyong patubig at sewerage.” Sa pamamagitan nito ay pahihintulutan na ang mga dayuhan na buong-buong makapagmay-ari at mangasiwa ng mga kumpanya sa mga industriyang ito. Nabigong ilusot ng kanyang supermayorya ang panukalang ito bago magsara ang ika-17 Kongreso noong nakaraang buwan.
Pag-amyenda sa FIA
Itinutulak rin ng US na amyendahan ang Foreign Investment Act (FIA o batas sa dayuhang pamumuhunan) para sa mas madalas na pagrepaso at pagpapaiksi ng listahan ng mga negosyo at propesyon na ekslusibong nakalaan para sa mga Pilipino. Ang listahang ito na tinatawag na foreign investment negative list (FINL) ay nagbabawal sa pagpasok at buong pagmamay-ari ng mga transnasyunal at mga dayuhan sa naturang mga negosyo at propesyon.
Partikular na itinutulak ang probisyon para pahintulutan ang mga dayuhang propesyunal, lalo na yaong galing sa mga imperyalistang bansa, na magtrabaho sa Pilipinas para sila ang iempleyo sa dayuhang mga kumpanya at lokal na subsidyaryo. Banta ito sa trabaho ng mga Pilipinong abugado, duktor, syentista, inhinyero at iba pang propesyunal na mapipilitang umangkop sa dayuhang mga rekisito sa ngalan ng “internasyunal na pamantayan.”
Noong Oktubre 2018, inilabas ni Duterte ang Executive Order 65 na nagpatupad sa pinakitid na FINL. Tinanggal nito sa listahan ang limang larangan sa pamumuhunan at aktibidad kabilang ang mga negosyo sa internet; pagtuturo sa kolehiyo ng mga asignaturang hindi pampropesyunal; mga sentro para sa teknikal at bokasyunal na pagsasanay na hindi bahagi ng pormal na sistemang pang-edukasyon; mga kumpanya sa pinansya; at mga wellness center. Itinaas din nito ang pwedeng pagmay-ariin ng mga dayuhan sa mga kontrata sa konstrukyon o pagkukumpuni ng pampublikong mga imprastruktura at proyektong pangkaunlaran mula 25% tungong 40%; at sa pribadong mga kumpanya ng radyo mula 20% tungong 40%.
Sa kagyat, makikinabang sa agresibong mga hakbang na ito ang pagpasok ng kapital at tauhan mula sa China alinsunod sa mga kundisyon ng pautang nito sa rehimen. Iba pang mga hakbang
Kabilang pa rin sa mga rekomendasyon ng US ang pag-amyenda sa Retail Trade Liberalization Act (batas sa liberalisasyon ng pagtitingi). Layon nitong lalupang pababain ang minimum na kapital na ipupuhunan ng dayuhang mga kumpanya sa pagtitingi mula $2.5 milyon tungong $200,000.
Samantala, minamadali ni Duterte ang pagpapasa sa ikalawang pakete ng batas na TRAIN na tinaguriang Trabaho Bill. Layunin nitong pababain ang buwis sa kita ng mga korporasyon mula 30% tungong 20% at bawasan ang mga insentibang ibinibigay sa mga korporasyon sa espesyal na mga sonang pang-ekonomya.
Sa pangkabuuan, mula nang maupo si Duterte sa poder, nagpatupad na siya ng hindi bababa sa 10 kautusang ehekutibong nagbibigay daan sa lansakang liberalisasyon ng ekonomya.