Kontrol ng US sa bansa, patuloy na humihigpit

,

LALONG HUMIHIGPIT ANG hawak ng US sa Pilipinas matapos ang ika-8 Bilateral Strategic Dialogue (BSD) sa pagitan ng dalawang bansa noong Hulyo 15-16. Isinasagawa ang taunang BSD sa ilalim ng US-Philippines Mutual Defense Treaty. Dinadaluhan ito ng matataas na upisyal ng gubyernong US at ng Armed Forces of the Philippines.

Ang delegasyon mula sa US ay pinangunahan ni Ambassador Sung Kim, kasama ang mga kinatawan ng State Department for East Asian and Pacific Affairs at Department of Defense for Indo-Pacific Security Affairs. Tinatalakay dito hindi lamang ang mga usaping militar kundi pati ang mga usapin sa larangan ng pulitika at ekonomya.

Ginamit ng US ang dayalogo upang patuloy na igiit ang kapangyarihan nito sa Asia, laluna sa harap ng girian nito sa China. Tinulak nito ang Pilipinas na isulong sa ASEAN o Association of Southeast Asian Nations ang isang kondukta sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea upang kontrahin ang pag-angkin ng China sa karagatang ito. Napagkasunduan rin na sasama ang Pilipinas sa pagpapakitang-lakas ng US sa tabing ng mga operasyong “freedom of navigation” sa anyo ng paglalayag ng mga barkong pandigma at pagpapalipad ng mga jetfighter sa teritoryo ng bansa.

Mas malaki rin ang gaganaping pagsasanay ng mga hukbong katihan ng Pilipinas at US sa susunod na taon. Sa Salaknib 2020, muling sasanayin ang 1st Brigade Combat Team (BCT) na binuo ng militar ng US noong 2018. Katapat ng may 1,500 tauhan ng BCT ang may 1,700 sundalo naman mula sa US Army Pacific Command. Layon ng Salaknib na mapahusay ang pagmamando ng militar ng US sa mga pwersa ng AFP para sa mga gerang kumbensyunal at “kontra-terorismo.” Paghahanda ito para sa malakihang mga labanan, ayon sa tagapagsalita ng Philippine Army na si Lt. Col. Ramon Zagala.

Bago pa man ang BSD, naglaan na ang US ng $145.6 milyon ayuda para gamitin ng AFP sa 2019. Hindi pa kabilang dito ang makukuhang bahagi ng militar ng Pilipinas sa inaprubahan ni US President Donald Trump na $1.5 bilyong ayudang militar para sa mga bansa sa Asia Pacific mula 2019-2023.

Kasabay ng BSD, sinimulan din ang Marine Aviation Support Activity (MASA) sa Marine Base Gregorio Lim sa Ternate, Cavite. Dalawang beses kada taon ginaganap ang MASA na nilalahukan ng Marines at Air Force ng US at Pilipinas. Isa lamang ang MASA sa nakahanay na 280 pinagsanib na pagsasanay na nakatakdang gawin sa bansa sa 2019.

Kontrol ng US sa bansa, patuloy na humihigpit