Pamamayani ng huntang sibil-militar

,

Isang huntang sibil-militar ang nagpapatakbo sa sibilyang burukrasya ng rehimeng US-Duterte. Nitong Hulyo, umaabot sa 64 na pusisyong sibilyan sa gubyerno ang hawak ng retiradong mga sundalo at pulis. Labing-isa sa kanila ay nasa gabinete at namumuno sa mayor na mga ahensya. Madadagdagan pa ang kanilang hanay ng itatalaga ni Rodrigo Duterte na dating sundalo para pamunuan ang Department of Agriculture.
Duguan, sunud-sunuran sa kanilang among US at batbat ng korapsyon ang rekord ng mga sundalo at pulis na ipinwesto ni Duterte sa kanyang gubyerno. Binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihang sibil para ipagpatuloy ang mararahas na programang kontra-insurhensya na dati na nilang tangan. Karamihan sa kanila ay nagsilbing mga hepe ng batalyon, dibisyon o kumand sa Mindanao at sa gayon ay nagkaroon na ng inisyal na pakikitungo kay Duterte noong meyor pa siya ng Davao City.

Militarisadong kagawaran

Lima sa 21 (bakante ang isa) kagawaran ng gubyernong Duterte ay direktang hawak ng retiradong mga sundalo. Nakaupo naman sa Department of Agrarian Reform ang isang gradweyt ng Philippine Military Academy pero hindi nag-aktibong sundalo.
Nangunguna sa mga militarista ang kalihim ng Department of National Defense na si Ret. Gen. Delfin Lorenzana. Masugid siyang tagapagtaguyod ng mayor na mga patakaran ng US sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula nang magsilbi siyang Defense Attache ng AFP sa Washington DC noong 2002. Naging katuwang ni Duterte si Lorenzana noong huling bahagi ng dekada 1980 nang siya ay naging kumander ng Second Scout Ranger Battalion sa Davao City.

Pinamumunuan naman ni Ret. Gen. Roy Cimatu ang Department of Environment and Natural Resources. Binansagan si Cimatu bilang “General Pacman” dahil sa pamumuno niya sa “todo-gera” sa Mindanao noong pangulo si Joseph Estrada. Gayundin, sa panahong Chief of Staff, nasangkot si Cimatu sa pagtanggap ng “pabaon,” na tinatayang ₱50 milyon, nang siya ay magretiro sa pagkasundalo.

Si Eduardo Año, beterano sa paniktik-militar, ang tumitindig na kalihim ng Department of Interior and Local Government at may hawak ng badyet ng Philippine National Police (PNP). Responsable siya sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong nakaupo bilang hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines. Si Año rin ang kumander ng 10th ID nang patayin nang walang-laban ang may sakit na si Leoncio Pitao (Ka Parago) noong 2015.

Nakaupo naman bilang kalihim ng Department of Information and Communication Technology si Gregorio Honasan. Kabilang si Honasan sa mga sundalong naglunsad ng kudeta laban sa dating presidenteng si Corazon Aquino. Samantala, hawak ni Ret. Gen. Rolando Bautista, kareretirong hepe-militar ni Duterte, ang Department of Social Welfare and Development.

Ibang sibilyang pusisyon

Ipinagkaloob ni Duterte maging ang ilang sibilyang pusisyon labas sa gabinete. Kabilang dito ang Bureau of Customs (BoC) na tumatayong Komisyoner si Ret. Gen. Rey Leonardo Guerrero. Pinalitan niya si Ret. Police Gen. Isidro Lapeña pagkatapos masangkot sa “paglusot” ng ₱6.4 bilyong halaga ng shabu mula sa China.

Bagaman nasangkot sa anomalya, muling pinaupo ni Duterte si Lapeña bilang direktor ng Technical Education and Skills Development Authority. Ang dati namang itinalaga sa BoC na si Nicanor Faeldon na napilitan ding pababain sa pwesto ay itinalaga sa Bureau of Corrections, ang dating pusisyon ng hepe ng PNP na si Ronaldo de la Rosa bago siya tumakbo bilang senador. Sangkot si Faeldon sa dalawang kudeta laban sa dating presidenteng Gloria Arroyo.

Samantala, hawak ni Carlito Galvez Jr. ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process matapos ibagsak ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at National Democratic Front of the Philippines. Dati siyang hepe-militar ni Duterte at sangkot sa kudeta noong 1989.

Ang iba pang mga ahensyang hawak ng militar ay ang Housing and Urban Development Coordinating Council, Metropolitan Manila Development Authority, National Security at iba pa.

Pamamayani ng huntang sibil-militar