Protestang #PayDay, inilunsad
INILUNSAD NG MGA manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno ang #PaydayProtest noong Hulyo 15, isang linggo bago ang State of the Nation Address ni Rodrigo Duterte. Kinundena nila ang pambabarat ng rehimeng Duterte sa mga manggagawa, nagpapatuloy na patakaran ng kontraktwalisasyon at pangkalahatang kawalang trabaho sa buong bansa.
Nakiisa sa protesta ang mga manggagawang bukid ng Hacienda Buenconsejo, E.B. Magalona, Negros Occidental. Ayon sa mga manggagawa, wala nang laman ang kanilang mga pitaka. Iligal na nagsara ang asyenda at tinanggal ang mga manggagawa. Ang abereyds nilang sinasahod ay ₱150/araw lamang samantalang ang minimum na sahod para sa mga manggagawa sa Negros ay ₱365/ araw. Mayorya sa kanila ay may tatlo hanggang 24 na taon nang nagtatrabaho sa asyenda.
Sa Cebu, lumahok sa protesta ang mga drayber upang kundenahin ang pekeng modernisasyon ng mga dyip na sa esensya ay pagpatay sa kanilang kabuhayan. Sa Davao City, iligal na hinalughog ng mga pulis ang mga gamit ng mga nagpuprotestang aktibista sa harap ng lokal na upisina ng Department of Labor and Employment.
Ilang araw bago ang protesta, nagpiket ang mga manggagawa ng Pepsi Cola sa pangunguna ng Pepsi Cola Workers Unity sa harap ng pabrika sa Muntinlupa City noong Hulyo 12. Anila, nagbibingi-bingihan ang maneydsment sa kanilang kahingian sa nagaganap na negosasyon ng Collective Bargaining Agreement. Kabilang sa kanilang panawagan ang dagdag na sahod at regularisasyon ng 1,000 kontraktwal na manggagawa.