Tangkang pagdukot, binigo ng taumbaryo
Napigilan ng mga residente ng Barangay Bito-on sa Jaro District, Iloilo City ang tangkang pagdukot ng isang kilalang lider-masa nitong buwan. Sama-samang naipagtanggol ng kanyang mga kapitbahay si Wilfredo “Tay Pido” Panuela, 65, isa sa mga lider ng Katilingban sang mga Imol sa Syudad (Kaisog) laban sa dalawang ahenteng paniktik ng estado.
Hinarang ng taumbaryo ang dalawang ahente at dinala sa barangay hall. Umamin ang dalawa na sila’y mga elemento ng Philippine Army at National Bureau of Investigation pero hindi nakapagpakita ng pagka-kakilanlan. Dati nang pinag-iinitan si Panuela at kanyang asawa na si Josephine dahil sa kanilang paglahok sa mga pakikibaka ng komunidad.
Naniniwala si Maura Abellon, pinuno ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa Panay at Guimaras, na sadyang balak ng gubyerno na dukutin, atakehin o takutin ang mga lider ng maralitang lunsod na aktibong lumalaban sa demolisyon at sa pagkundena sa mga kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao. Noong Hulyo 8, nagprotesta ang grupo sa labas ng hedkwarters ng pulis sa Iloilo City.
Samantala, pinatay ng militar si Salvador Romano, tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Negros noong Hulyo 7. Pinagbabaril si Romano habang lulan ng kanyang motorsiklo sa Aglipay St., Poblacion, Manjuyod, Negros Oriental. Dati siyang istap ng Karapatan Negros at kasalukuyang myembro ng Iglesia Filipina Independiente (IFI). Ika-48 siya sa mga aktibistang pinaslang sa Negros sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Tuluy-tuloy naman ang panggigipit sa mga taong-simbahan na bumabatikos sa mga krimen at paglabag ng rehimeng Duterte sa mga karapatang-tao sa isla. Dalawa sa kanila, sina Rev. Joel Bengbeng ng United Methodist Church (UMC) sa Canlaon City at si Rev. Brian Ascuit ng UMC sa San Pedro, Sta. Cruz, ang pinaghahanap ng militar para diumano’y kausapin.
Sa Ilocos, ginigipit din ng militar ang IFI, UMC at United Church of Christ in the Philippines sa tabing ng “pagbisita” ng mga sundalo sa balangkas ng Joint Campaign Plan Kapanatagan.