Huwad na repormang agraryo sa Boracay
Taliwas sa ipinagmamayabang ni President Rodrigo Duterte sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address, hindi totoong naisakatuparan na ang repormang agraryo sa isla ng Boracay sa Aklan.
Ang totoo, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipapamahagi ang 18 ektaryang lupain na isinailalim sa repormang agraryo sa mga benepisyaryo nito. Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR)-Western Visayas Director Stephen Leonidas, ipamamahagi pa lang ito sa mga katutubong setler na hindi kabilang sa tribung Ati ng Boracay.
Noong Nobyembre 2018, 3.2 ektaryang lupa lamang (wala pa isang porsyento ng 1,032-ektaryang isla) ang kabuuang ipinamahagi sa 44 pamilyang kasapi ng Boracay Ati Tribal Organization.
Ayon sa mga pananaliksik sa antropolohiya, ang Ati ang mga katutubong nanirahan sa Boracay bago pa dumating ang mga Bisayan at mga kolonyalistang Espanyol. Ngunit ito ay pinasisinungalingan ng ibang mga katutubong setler (di-Ati) na naggigiit ng kanilang karapatan sa lupang nakatakdang ipamahagi.