Matagumpay na welga sa Monde
SIYAM NA ORAS matapos ikasa ang kanilang ng welga noong Agosto 6, matagumpay na natulak ng mga manggagawang kontraktwal ng Monde Nissin Labor Association (MNLA–LIGA) ang maneydsment ng Monde Nissin Corp. na makipagnegosasyon hinggil sa kanilang panawagang regularisasyon. Inilunsad ang welga bilang tugon sa terminasyon ng kontrata ng siyam na manggagawa nito noong nakaraang linggo. Mula Hulyo 2018, 111 manggagawa na ang tinanggal ng kumpanya.
Napagkasunduan sa negosasyon na makakabalik na ang tinanggal na mga manggagawa sa pagawaan at nagtakda na rin ng iskedyul para sa susunod na pag-uusap. Itinuring itong isang malaking tagumpay ng mga manggagawa na mayorya ay 13 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya bilang mga kontraktwal.
Ang Monde Nissin ay kilala sa mga produkto nitong mga biskwit (SkyFlakes at Fita) at nudels (Lucky Me!). Mula 2000, laging napapabilang ang kumpanya sa 50 pinakamayamang mga korporasyon sa Pilipinas. Ito ay pagmamay-ari ng burges kumprador na si Betty Ang na nakapagtala ng P14.17 bilyong netong halaga ng mga pagmamay-ari noong 2018.
Sa parehong araw, nagwelga rin ang mga manggagawa ng Super 8 sa Pasig City matapos tanggalin sa trabaho ang mahigit 200 manggagawang kontraktwal nito.
MATAGUMPAY NA NAIPABASURA ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Manila ang Dress Code Policy (patakaran sa kasuotan) matapos ang pitong oras na protesta. Magtutuloy-tuloy pa ang mga protesta laban sa paglulusot sa mapanupil na mga probisyon tulad ng mandatory random drug-testing at panggigipit sa mga organisasyon, konseho, at publikasyon ng mga mag-aaral.