Nasasaid na rekurso sa SCS
Malaking kawalan sa mga mangingisdang Pilipino ang iligal na pangingisda ng mga Chinese sa soberanong teritoryo ng Pilipinas at kalapit nitong mga karagatan. Sa nakaraang anim na dekada, tuluy-tuloy nang lumiit ang bilang ng mga isda sa South China Sea dulot ng deka-dekada nang sobrang pangingisda sa lugar.
Isa ang South China Sea sa limang nangungunang pangisdaan sa buong mundo. Dito nagtatrabaho ang mahigit tatlong milyon katao bilang mangingisda o manggagawa ng malalaking barko. Naglalaan ang karagatan nito ng 3,365 klase ng isda. Taun-taon, tinatayang umaabot sa 16.6 milyong tonelada o 12% ng pandaigdigang suplay ng isda ang nakukuha mula rito. Mayor itong pinagkukunan ng protina ng milyun-milyong mamamayan sa mga bansang nakapalibot dito.
Sa isang pag-aaral noong 2015, sinabing bumagsak na nang hanggang 90% ang dami ng isda sa ilang bahagi ng SCS mula dekada 1960. Ang mga isdang matataas ang halaga, tulad ng tuna at grouper, ay kakaunti na. Kinakailangan na ng mga mangingisda na pumalaot nang mas matagal at mas malayo sa karagatan para manghuli. Dahil dito, tuluy-tuloy ang pagbagsak ng huli ng mga mangingisdang Pilipino mula sa karagatan. Mula 2005-2014, bumagsak na ito nang 13.5% at dagdag pang 4.3% noong 2015-2016.
Disbentahe ng mga mangigisdang Pilipino ang kanilang relatibong maliliit na bangka, mataas na gastos sa transportasyon (na mas lumaki pa dulot ng TRAIN) at kawalan ng suporta mula sa gubyerno. Kabaliktaran nito ang malalaking subsidyo ng gubyernong Chinese para sa langis, sahod at gamit sa kanilang mangingisda. Dahil dito, nakakapagpalaot ang kanilang mga barko nang mas malayo at mas matagal. Ang China ang may pinakamaraming bilang ng mga sasakyang pandagat (2,500) na nakatuon sa matagalan at malayuang pangingisda.
Disbentahe rin ng mga Pilipinong mangingisda ang kawalan ng seguridad kahit sa loob ng eksklusibong sonang pang-ekonomya at mga tradisyunal na mga pangisdaan.
Pagbenta ng rekurso
Tinataya ng Center for Environmental Concerns at Kalikasan People’s Network for the Environment na mahigit P773-bilyong halaga ng mga rekursong mineral, pandagat at mga hayop na soberanong pag-aari ng Pilipinas ang ibinenta ni Duterte sa mga dayuhan sa nakaraang tatlong taon. sa nakaraang tatlong taon.
Mahigit P99 bilyon na ang halaga ng nasirang mga bahura ng China sa West Philippine Sea (WPS) dulot ng patuloy na pagpapatrulya ng mga barkong pandigma ng mga paramilitar na Chinese sa soberanong karagatan ng bansa. Dagdag dito ang aabot sa P150 bilyon na halaga ng endangered na mga hayop at halaman na iligal na hinuli o kinuha at ipinuslit palabas ng bansa.
Kapalit ng mabibigat na pautang para sa mga proyektong Kaliwa Dam at Chico River Pump Irrigation, nangako si Duterte na bibigyan ang China ng mga rekursong tubig na nagkakahalaga ng P23 bilyon bilang soberanong garantiya kung sakaling mabigo itong bayaran nang buo ang utang. Sa kabuuan, pinakamalaki ang nawala sa bansa dulot ng malawakang pagmimina ng mga multinasyunal sa bansa. Sa loob ng parehong panahon, mahigit P501.4-bilyong halaga ng mga mineral ang iniluwas ng mga ito.