National Land Use Act, pakanang neoliberal
Sa ikatlong pagkakataon, muling tinukoy ni Rodrigo Duterte ang National Land Use Act (NLUA o batas sa pambansang paggamit ng lupa) bilang prayoridad na panukala ng kanyang rehimen sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22.
Iginiit ni Duterte na kinakailangan na itong kagyat na ipasa ng Kongreso bago matapos ang taon para makapaglatag umano ng isang pambansa at komprehensibong plano sa paggamit ng lupa para “matugunan ang demand ng dayuhang mga mamumuhunan.”
Pangunahing layunin mg NLUA pabilisin ang proseso ng malawakang kumbersyon ng mga lupang agrikultural at ninuno tungong residensyal, komersyal at industriyal na gamit para kagyat na maibenta sa mga dayuhang mamumuhunan at kanilang kasosyong mga burgesya kumprador. Gagamitin ito para palayasin ang mga magsasaka at katutubo sa mga lupang target na tayuan ng dambuhalang mga imprastruktura sa ilalim ng programang “Build, Build, Build.” Pasiuna nang ipinapatupad ito ngayon ng rehimen sa pamamagitan ng serye ng mga kautusang administratibo na inilabas ng Departmetn of Agrarian Reform noong Pebrero.
Sa ilalim ng NLUA, itatatag ang National Land Use Commission (NLUC) na mangangasiwa sa reklasipikasyon at kumbersyon ng mga rekursong lupa sa buong bansa at magbabalangkas ng pambansang plano para rito kada sampung taon alinsunod sa pangangailangan ng mga kapitalista. Ito ang magtatakda kung alin lamang ang mga lupain na maaaring bungkalin at kung alin ang maaaring pagtirikan ng mga imprastruktura at kabahayan.
Ipagbabawal ng NLUC ang pagsasaka sa mga pampublikong lupain na idedeklarang kagubatan, kabilang ang mga lupang hinawan na ng maliliit na magsasaka. Gagawin nitong mas sistematiko ang mga programang gaya ng National Greening Program na nagpapalayas sa maliliit na kaingero sa kanilang mga sakahan para magamit ang mga ito sa malalawak na plantasyon ng komersyal na kahoy.
Matagal nang nakabinbin sa Kongreso ang NLUA. Una itong itinulak ng rehimeng Corazon Aquino kasabay ng iba pang mga neoliberal na repormang dikta ng World Bank. Sa nakaraan, ginawa itong kundisyon kapalit ng bilyun-bilyong pautang. Patuloy itong ipinanukala at tinukoy na susing lehislatibong hakbangin ng magkakasunod na rehimen subalit hindi ito umusad sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Nitong nagdaang mga taon, ginamit ng American Chamber of Commerce, kasapakat ng ahensyang USAID, ang The Arangkada Philippines Project para agresibong itulak ang mga rehimeng Aquino at Duterte na ipagpatuloy ang pag-lobby ng batas na ito sa Kongreso. Tahasang pangangayupapa ang ipinamalas ng rehimeng Duterte nang ilusot nito sa Kongreso sa ikatlong pagbasa ang panukala bago magsara ang sesyon nito noong Hunyo 3.
Sa darating na mga buwan, nakatakda nang talakayin ang panukala sa Senado sa pangunguna ni Sen. Cynthia Villar, tagapangulo ng komite nito sa kalikasan at likas na mga rekurso. Sa kabila ng pagiging alyado ni Duterte, mariin ang pagtutol niya sa pagsasabatas ng NLUA sapagkat tatanggalin nito ang kapangyarihan ng mga lokal na gubyerno na magreklasipika ng mga lupaing kanilang sinasaklaw at magtakda ng sariling plano sa paggamit ng mga ito. Kapag naisabatas ang NLUA, ipapasa ang mga kapangyarihang ito sa NLUC na direktang nakapailalim sa pambansang gubyerno.
Malinaw na pinakinabangan ng mga Villar ang lumang kaayusan sa pagpapalit-gamit ng lupa lalupa’t mas madali para sa kanila na suhulan ang lokal na mga gubyerno para ilusot ang kanilang mga negosyong pabahay.
Sa harap ng bantang muling ibinbin ang panukala, ipinatupad ng rehimen ang Joint Department of Agrarian Reform-Department of Justice Order 75 noong Mayo 31 na mag-iinstitusyonalisa sa programa ni Duterte sa paggamit ng lupa kahit hindi pa naisasabatas ang NLUA.
Ayon sa konserbatibong taya ng rehimen na inilabas nito noong Enero, lumiit nang 25% ang kabuuang erya ng lupang agrikultural sa bansa mula 9.7 milyong ektarya noong 1980 tungong 7.3 milyon noong 2012, pangunahin dahil sa malawakang kumbersyon ng mga ito at laganap na pang-aagaw ng lupa sa buong bansa.