Pagdanak ng dugo sa Negros
Noong gabi ng Hulyo 25, pinasok ng armadong kalalakihan ang kubo ng pamilyang Ocampo sa Barangay San Jose, Sta. Catalina, Negros Oriental. Binaril at pinatay nila ang isang taong gulang na si Marjon at ang kanyang ama na si Marlon Ocampo na inaakusahan nilang sumusuporta sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nasugatan dito ang asawa ni Marlon. Saksi sa krimen ang dalawa pang batang Ocampo. Ang mag-amang Ocampo ang pinakahuli sa 87 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Negros mula nang maupo ang halimaw na si Rodrigo Duterte.
Sa Guihulngan, binaril at pinatay si Atty. Anthony Trinidad noong Hulyo 23. Isa siya sa mga abugadong malisyosong iniugnay ng grupong Kawsa Guihulnganon Batok Komunista sa rebolusyonaryong kilusan. Ang naturang grupo ay pinondohan at pinatatakbo bilang death squad ng Philippine National Police. Nasugatan ang asawa ni Trinidad na si Novie Marie at isa pang drayber ng pedikab sa insidente. Noong Hulyo 25, pinatay ang magkapatid na sina Arthur Bayawa, prinsipal ng Guihulngan Science High School at Ardale Bayawa, hepe ng Guihulngan City Division ng Department of Education sa Barangay Hibaiyo. Sa parehong araw, binaril naman ang magsasakang si Romeo Alipan, kapitan ng Barangay Buenavista. Lahat ng mga biktima ay pinalalabas na pinatay ng BHB, kahit pa una na silang binansagan ng AFP na mga tagasuporta o myembro ng BHB.
Binaril naman ang dating meyor ng Ayungon na si Edcel Enardecido at pinsan niyang si Leo Enardecido noong Hulyo 27. Bago nito, naiulat na namatay si Sunny Caldera, kapitan ng Barangay Mabato sa naturang bayan matapos umanong makainom ng pestisidyo noong Hulyo 25. Isa pang magsasaka, si Reden Eleuterio, ang binaril sa Barangay Tampocon II. Ang mga atakeng ito ang duwag na ganti ng rehimeng Duterte sa lehitimong ambus ng mga Pulang mandirigma sa apat na pulis sa Ayungon noong Hulyo 18.
Noong Hulyo 26, pinatay si Federico Sabejon sa Barangay 3, Siaton. Sa Canlaon City, pinaslang naman ang kapitan ng Panubigan na si Ernesto Posadas at konsehal ng syudad na si Ramon Jalandoni. Patay din si Anaciancino Rosalita, tanod ng Barangay Bucalan noong Hulyo 28. Binaril siya ng mga pwersa ng death squad ni Duterte sa Oval Public Market sa katabing barangay.
Dalawang magsasaka, sina Wenny Alegre at Felimino Janayan, pangulo ng United Calango Farmers Association sa Zamboanguita, Negros Oriental ang binaril at pinaslang noong Hulyo 24. Nagpanggap ang mga salarin na mga Pulang mandirigma sa tangkang siraan ang rebolusyonaryong kilusan.