SONA ng Bayan laban sa pambansang traydor
Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Rodrigo Duterte noong Hulyo 22, naiulat na umabot sa 50,000 ang lumahok sa mga rali laban sa kanya sa mga sentrong lunsod sa buong bansa. Kinundena ng mga raliyista ang sukdulang pagtataksil ni Duterte at ipinanawagan ang pagpapatalsik sa kanya dahil sa kanyang pagsuko sa China ng mga karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea. Binatikos nila ang kanyang pasismo at pagpapatupad ng kontra-mamamayang mga patakaran na higit pang nagsasadlak sa sambayanan sa kahirapan.
Sa pambansang kabisera, inulat ng mga organisador na may 40,000 ang nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City upang ipamukha sa pambansang traydor ng Pilipinas na si Duterte na “atin ang Pinas!” Nanawagan sila na palayasin ang China sa kinakamkam nitong teritoryong dagat ng bansa. Pinangunahan ang protesta ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at nilahukan ng iba’t ibang organisasyon bitbit ang kani-kanilang mga sektoral na panawagan.
Luzon. Nagprotesta ang mahigit 600 magsasaka, mangingisda at katutubo sa Aurora Park, Laoag City para batikusin ang patuloy na pandarahas ng militar sa kanilang hanay, pagsirit ng presyo ng mga bilihin dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), at ang kawalan ng subsidyo para sa kanilang sektor. Dumalo naman ang mahigit 200 sa porum na inilunsad ng Tongtongan Ti Umili-Cordillera Peoples Alliance hinggil sa SONA ni Duterte sa Cathedral of the Resurrection, Magsaysay Avenue sa Baguio City.
Mahigit 500 ang nagprotesta sa Peñaranda Park, Legazpi City para kundenahin ang malawakang extrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon. Naglunsad din ng pagkilos ang mga aktibista sa Naga, Sorsogon at Masbate para ipinawagan ang pagpapatalsik kay Duterte at batikusin ang kanyang pangangayupapa sa China.
Visayas. Lumahok ang mahigit 4,000 aktibista sa magkakahiwalay na protesta sa apat na sentrong urban ng isla ng Panay. Nagprotesta ang mahigit 3,000 sa pampublikong liwasan ng Bacolod City bitbit ang panawagang wakasan na ang arbitraryong pamamaslang at masaker laban sa mamamayan ng Negros. Hindi bababa sa 400 aktibista ang nagprotesta sa Bohol upang kundenahin ang patuloy na panggigipit at pamamaslang sa mga magsasaka at iba pang paglabag sa karapatang-tao. Pinangunahan naman ng Bayan-Central Visayas ang martsa ng mahigit 300 aktibista mula Fuente Osmeña Circle tungong Colon Street sa Cebu City.
Mindanao. Nagprotesta ang mga aktibista at Lumad sa Cagayan de Oro at Davao City bitbit ang panawagang wakasan na ang batas militar sa Mindanao. Binatikos din nila ang pagpapasara ng rehimen sa mga eskwelahang Lumad. Naglunsad ang mga residente ng Marawi ng kanilang bersyon ng SONA na tinawag nilang State of Marawi Bakwit (Sombak) sa Mindanao State University.
Ibayong dagat. Mahigit 100 ang nagprotesta sa tapat ng Philippine Consulate General sa New York City sa pangunguna ng Malaya Movement. Naglunsad din ng protesta ang mga migranteng Pilipino sa mga sentrong lunsod sa Australia, Canada, France, Hongkong, Italy, Japan, The Netherlands, New Zealand, Saudi Arabia, South Korea at United Kingdom.