3 patay, daan-daan iligal na idinetine ng PNP sa Baseco
Sa utos ng meyor ng Maynila na si Isko Moreno na linisin ang Baseco Compound na pugad umano ng droga, sinalakay ng daan-daang pulis ang lugar noong Agosto 11.
Ang Baseco ay maralitang komunidad na matatagpuan sa kahabaan ng Manila Bay. Noong Marso pa target na palayasin ang libu-libong residente nito upang ipatupad ang reklamasyon ng Manila Bay na saklaw ang 200 ektarya ng Baseco.
Gamit ang huwad na kampanyang “kontra-droga,” pwersahang tinipon ng PNP sa tabing-dagat ang 700-1,000 residente ng Baseco. Di bababa sa 21 ang inaresto habang tatlo ang napatay matapos umanong “manlaban.”
Ito rin ang ginawa sa Antipolo City noong madaling araw ng Agosto 11. Tinipon ng mga pulis at sundalo ng 2nd ID ang 80 indibidwal sa covered court ng Sityo Tanglaw, Barangay San Isidro na kabilang umano sa listahan ng kanilang minamanmanan. Pinadapa sila, tinutukan ng baril at pinilit na magpa-drug test. Hinalughog din ang kabahayan ng mga residente at kinumpiska ang kanilang mga selpon nang walang mandamyento.
Umani ng pagbatikos ang labis na pag-abuso sa kapangyarihan ng PNP at AFP sa kanilang mga “kontra-drogang” operasyon. Ayon sa Karapatan, ang ganitong mga hakbangin ay dumudulo lamang sa pagpapatuloy ng madugong “gera kontra-droga” ng rehimen at walang patumanggang paglabag sa karapatang-tao.
Mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2019, mahigit 6,600 na ang naitalang pinatay ng PNP habang mahigit 27,000 naman ang mga kaso ng pagpatay na pinaniniwalaang kagagawan ng mga death squad sa huwad na gera kontra-droga.