Araw ng Pagluluksa para sa Negros

,

Inilunsad ng Defend Negros #StopTheAttacks Network ang “Pambansang Araw ng Pagluluksa at Protesta” noong Agosto 20 upang kundenahin ang malawakang pamamaslang at iba pang mga pang-aatake sa mga sibilyan sa Negros.

Pinangunahan nito ang mga pagkilos ng daan-daang indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, Masbate, Laguna, Iloilo, Dumaguete, Cebu, Bacolod at sa isla ng Negros. Naglunsad din ng katulad na mga protesta sa US, Australia at Hongkong upang makiisa sa panawagang itigil na ang pamamaslang.

Umaabot na sa 226 magsasaka ang pinaslang ng mga pwersa ng estado mula nang maupo si Duterte sa poder—90 sa kanila ay mula sa isla ng Negros. Pinakahuli sa mga biktima si Joshua Philip Partosa, 20, estudyante ng Grade 11 sa Bolocboloc High School na pinaslang ng apat na kalalakihan noong Agosto 15.

Papasok noon si Partosa kasama ang dalawa niyang kapatid sa eskwelahan sa Purok 2, Barangay Bolocboloc, Sibulan, Negros Oriental nang paulanan sila ng bala ng mga salarin. Malapitan siyang binaril nang tatlong beses at sinaksak sa leeg. Ayon sa mga pulis, sangkot umano si Partosa sa mga kaso ng pananaksak sa Dumaguete, bagay na mariing pinasinungalingan ng kanyang ama. Sa parehong araw, pinaslang din si Fernando Toreno, dating konsehal ng Barangay Kumaliskis, Don Salvador Benedicto, Negros Occidental.

Araw ng Pagluluksa para sa Negros