Armadong paglaban sa todo-gera sa Bicol

,

Mahigit 20 koordinadong aksyong militar ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bicol sa iba’t ibang panig ng rehiyon noong Agosto 19-21. Tampok dito ang ambus sa mga myembro ng Philippine National Police sa Barangay Alegria, Pio V. Corpuz, Masbate kung saan pitong pulis ang sugatan. Naglunsad din ng operasyong haras sa mga kampo ng kaaway sa Sorsogon at Legazpi City.

Bago nito, 33 sundalo ang napatay at 21 iba pa ang nasugatan sa mga opensiba ng BHB-Bicol mula Marso-Hunyo ngayong taon. Sa bilang na ito, 15 ang napatay habang 12 ang nasugatan sa pwersa ng 2nd IB sa mga serye ng operasyong demolis na isinagawa ng BHB-Masbate noong Abril 29, Hunyo 2 at Hunyo 9 sa mga barangay ng Progreso at Cawayan, San Fernando, at sa Barangay Malinta, Masbate City.

Sa parehong prubinsya, dalawang operasyong haras ang isinagawa noong Mayo 22 sa Barangay Banahao, Dimasalang at sa Barangay Casabangan, Pio V. Corpuz. Hinaras din ang hedkwarters ng 2nd IB sa Barangay Bacolod, Milagros noong Hunyo 10 at sa Barangay Armenia, Uson noong Hunyo 12. Sa Barangay Daraga sa Placer, Masbate, sinunog ng BHB ang itinatayong detatsment ng PNP Special Action Force sa parehong araw.

Sa Camarines Sur, siyam na tropa ng 22nd IB ang nasugatan sa magkasabay na ambus at operasyong haras ng mga yunit ng BHB-West Camarines Sur (Norben Gruta Command) sa detatsment ng militar sa Sityo Dinumpilan, Barangay Malinao, Libmanan. Isang sundalo at tatlong elemento ng CAFGU ang nasugatan. Nilapatan ng paunang lunas ng mga medik ng BHB ang mga sumukong sugatan.

Armadong paglaban sa todo-gera sa Bicol