FFM sa Isabela
Isang fact-finding mission (FFM) ang inilunsad noong Agosto 8-10 sa San Mariano, Isabela matapos maiulat ang pagtindi ng mga paglabag sa karapatang-tao sa prubinsya. Pinangunahan ng grupong Karapatan ang FFM.
Natuklasan sa imbestigasyon na aabot na sa limang kumpanya ng mga sundalo ang ipinakat ng 95th at 86th IB sa 15 barangay ng San Mariano, at apat sa Iligan City. Sa tabing ng paglulunsad ng mga “programang pangkaunlaran,” pinatindi ng militar ang mga operasyon at paniniktik nito sa lugar. Nakapagtala rito ng mga kaso ng pambabastos, pagkakampo sa mga sibilyang imprastruktura, walang patumanggang pamamaril, iligal na pang-aresto at detensyon.
Pinakamatindi sa mga ito ang pag-istraping ng 95th IB sa bahay ng isang lider magsasaka sa Sityo Disiguit, Gangalan, San Mariano noong Hulyo. Nasa loob ng bahay ang kanyang asawa, dalawang anak at dalawang-taong gulang na apo nang maganap ang insidente.