Hadlangan ang banta ng batas militar sa kampus
Maitim ang balak ng pasistang rehimeng Duterte. Sa lalim ng galit ni Duterte at ng kanyang mga alipures sa mga estudyante at guro na malayang nagpapahayag ng pagtutol sa kanyang pasistang rehimen, nais niyang ipailalim ang mga pamantasan sa kanyang tiranikong paghahari.
Sa nagdaang ilang linggo, ginamit ni “Bato” Dela Rosa, sunud-sunurang tuta ni Duterte, ang kanyang pwesto sa Senado, upang kahulan ang mga aktibistang kabataan at ang mga guro. Kung anu-anong basurang palabas ang ginawa ni Dela Rosa sa hangaring ipitin ang mga samahang kabataan at mga guro. Desperadong argumento naman ang pananakot ng AFP na dahil bawal silang pumasok sa kampus, hindi nila mapipigilan sakaling magkaroon ng pamamaril sa loob ng mga eskwelahan.
Iginigiit ng mga pasistang ahente ang pagbabasura sa kasunduang Soto-Enrile na pinirmahan noong 1982. Ang kasunduang ito ay isa sa pinakamahalagang pamana ng mga mag-aaral sa kanilang paglaban sa diktadura ni Ferdinand Marcos para itaguyod ang demokrasya at mapayabong ang kalayaang akademiko sa mga kampus. Nakadugtong dito ang kasunduang University of the Philippines-Department of National Defense (UP-DND) noong 1989 na nagtatakda ng katulad na pagbabawal na pumasok sa kampus ang mga tauhan ng AFP at PNP.
Pinakapakay ni Dela Rosa at ng mga upisyal ng AFP at PNP na alisin ang mga balakid para palakasin ang presensya ng mga pulis at sundalo sa loob ng mga kampus na anila’y may “karapatan” ding magsagawa ng “indoktrinasyon” sa mga estudyante. Sa daan-daang mga paaralan, isinasagawa na ngayon ng AFP at PNP ang ganitong kampanyang indoktrinasyon sa anyo ng mga “youth leaders forum,” “information drive,” “training” o “immunization” (o “pagbabakuna”) laban sa “sakit na komunismo” para diumano labanan ang “komunistang impiltrasyon” sa mga paaralan.
Binabansagan dito ang mga aktibistang organisasyon bilang “mga prente” ng Partido Komunista. Itinuturo ng AFP at PNP na ang kritisismo at paglaban sa naghaharing rehimen at sistema ay pawang bunga ng “komunistang ahitasyon.” Pilit na tinatabunan ng pasistang ideolohiya ang pag-iral ng pang-aapi at pagsasamantala at kawalan ng pambansang kalayaan na siyang pinakaugat ng armado at di armadong paglaban ng bayan.
Ang nais ngayon ng AFP ay pumailalim ang mga pamantasan sa pasya ng AFP at magsilbing tuntungan para sa pagpapalaganap ng pasistang doktrina nito. Sa saligan, ang presensya ng mga armadong elemento ng estado ay taliwas sa pag-iral ng kalayaang akademiko sa loob ng mga pamantasan. Hatid nito’y banta o intimidasyon sa mga mag-aaral at guro, mga siyentista at mananaliksik. Hindi maaaring yumabong ang intelektwal na pag-iisip kung ang akademya ay nasa ilalim ng armadong banta ng estado. Nangangarap si Duterte na maibalik ang panahon ni Marcos na ang akademya ay nagsilbing tagapagpalaganap ng upisyal na linya ng “bagong lipunan.” Nais niya itong bantayan ng kanyang armadong mga ahente at pagharian ng mga mersenaryong intelektwal.
Taliwas sa pasismo ang liberal na tradisyon ng kalayaang akademiko. Para sa mga pasista, hindi dapat binibigyan ng puwang ang mga kaisipan o pananaw na hindi sumasalamin o nagtataguyod sa dogma o doktrina ng naghaharing rehimen. Ang pagpapahayag at pagsuporta sa patriyotiko at demokratikong interes ng bayan o paglalahad ng kritisismo sa kasalukuyang sistema at pamamalakad ay itinuturing na subersyon o nagsisilbi sa armadong rebolusyon.
Kung pahihintulutang malayang makapasok ang AFP at PNP sa mga kampus, mas hayagan at malala ang isasagawang pagmamanman at panggigipit ng mga pasistang ahente ng rehimeng Duterte laban sa mga mag-aaral at guro. Ang presensya nila ay intimidasyon para pigilan silang sumali sa mga organisasyon, pagtitipon o pagpapahayag laban kay Duterte. Ibayong pagsupil sa demokratikong karapatan ng mga estudyante at guro ang ibubunga ng ganitong hakbangin. Sa madaling salita, pagpapataw ng batas militar sa kampus ang katapusang kahulugan nito.
Ang lahat ng mga hakbanging ito ng AFP at PNP ay isinasagawa alinsunod sa doktrinang “counterinsurgency” na siya na ngayong nananaig na patakaran ng rehimeng Duterte. Pagsasakatuparan ito ng “whole-of-nation approach” o “sa pamamagitan buong bansa” ng AFP na walang ibang pakay kundi ang ipailalim sa militar ang buong bansa. Nais nitong kontrolin maging ang mga ahensyang pang-ideolohiya, pangkultura, pangkabuhayan at panserbisyo upang magsilbi ang mga ito sa “counterinsurgency” sa kapinsalaan ng interes at pangangailangan ng mamamayan. Ang tumangging sumuporta sa AFP ay nasa peligrong maakusahang “simpatisador ng komunista.” Lagpas sa “pambansang depensa” at “kapayapaan at kaayusan,” pinakikialaman ng AFP at PNP ang lahat ng ibang aspeto ng lipunang sibil.
Dapat lubos na makita ng lahat na ang bantang batas militar sa mga pamantasan ay mahigpit na naka-ugnay pag-iral ng batas militar sa Mindanao at sa di deklaradong batas militar sa Negros, Samar, Bicol at buong bansa. Itinutulak ito ng mga pasistang nasa likod ng malawakang abusong militar at paglabag sa mga karapatang-tao, panggigipit sa mga pwersang oposisyon, pagsupil sa mga welga, pagsupil sa mga pakikibakang magsasaka at iba pang anyo ng paniniil. Karugtong din ito ng panukalang ibalik ang Batas Kontra-Subersyon (kung saan krimen ang maging kasapi ng Partido) at amyendahan ang Human Security Act upang lalong gawing matalim na sandata para supilin ang demokratikong pamamahayag at pagkilos.
Nais ng rehimeng Duterte na patahimikin ang mga estudyante at mga guro na kabilang sa pinakamasigasig sa pagpapahayag ng kritisismo at pagtutol sa pasismo. Pakay ng rehimeng Duterte na busalan ang bibig at lupigin ang aktibismo upang walang hadlang ang pagpapataw nito ng mga pabigat na patakaran kabilang ang bagong mga buwis, pork barrel at dayong pangungutang, ang pagtatraydor ni Duterte sa interes ng bansa sa pagluhod nito sa China at sa US, ang planong “charter change” at iba pang anti-mamamayang hakbang.
Subalit tiyak na mabibigo ang tangka ni Duterte at ng AFP at PNP na sikilin ang karapatang akademiko at paghariin ang batas militar sa kampus. Sinalubong ito ng mahigpit na pagtutol at malawak na protesta ng mga estudyante at guro ng malalaking pamantasan sa mga nagdaang araw. Kung ipipilit ito ni Duterte, tiyak na mas malaki at malawak pang paglaban, diskurso at debateng akademiko at protesta sa lansangan ang isasalubong dito ng mga estudyante at guro at ng buong bayan.
Lalong higit na mabibigo ang paniniil na ito sa mga estudyante at guro na pigilan silang sumuporta at lumahok sa armadong pakikibaka. Dahil sa pakanang pasista ni Duterte, lalong mas marami pa ang nahihikayat na tumulong o sumapi sa Bagong Hukbong Bayan na siyang tunay na kumakatawan sa patriyotiko at demokratikong interes ng bayan.