Mga protesta sa Hongkong laban sa ektradisyon
Patuloy na naglulunsad ng dambuhalang mga demonstrasyon ang milyun-milyong mamamayan ng Hongkong para ipakita ang kanilang paglaban sa iniraratsadang pag-amyenda ng administrasyong Lam sa batas ng ekstradisyon. Layunin ng panukala na pahintulutan ang pagpasa ng mga indibidwal na may kaso sa China sa bansa para doon litisin. Nagsimula ang malalaking protesta noong Hunyo.
Para sa mga residente ng Hongkong, niyuyurakan ng panukalang ito ang awtonomiya ng lugar na itinuturing na “espesyal na rehiyong administratibo.” Iginigiit nila ang paggalang sa umiiral na “one country, two systems” (isang bansa, dalawang sistema) na nagbibigay sa Hongkong ng awtonomiya at hiwalay na sistemang ligal sa China.
Rumurok ang mga pagkilos noong Agosto 11 kung saan mahigit dalawang milyon ang nagprotesta. Nagsimula ang protesta nang mapayapa sa kabila ng panggigipit ng pulisya. Muling rumurok ang mga pagkilos noong Agosto 18, kung saan umaabot sa 1.7 milyong residente ang bumuhos sa mga lansangan.
Nasa ika-11 linggo na ang mga protesta. Sa panahong ito, maramihang inaaresto ang mga raliyista at tinutugis maging ang mga sugatan na nagpapagamot sa mga ospital. Sinasampahan sila ng mga kasong kriminal, at upang pahabain ang kanilang pagkabilanggo ay binansagang “kaguluhan” ang kanilang mga pagkilos.
Galit na galit ang mga residente ng Hongkong sa pagmamatigas ng administrasyon at ang pagtanggi nito na makipagdayalogo o makipagkompromiso. Bagamat idineklarang “patay na” ang panukala, walang ginawang hakbang si Lam para tuluyan na itong iatras.
Ayon sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS), ang kilusan laban sa ekstradisyon ay demokratiko at nilalahukan ng malawak na alyansa ng mga organisasyong may iba’t ibang antas ng pampulitikang kamulatan at kahandaan.
Nakasentro ang mga protesta sa paglaban sa ekstradisyon at karahasan ng pulis sa mga raliyista. Pero tinutumbok din nito ang ilang mga batayang isyu na kinakaharap ng mga mamamayan gaya ng kawalan ng disenteng trabaho at tirahan, mababang sahod, mahabang oras sa paggawa, mataas na presyo ng bilihin at iba pa.
Hinimok ng ILPS ang mga residente ng Hongkong na magpunyagi sa kanilang paglaban habang nagiging mapagmatyag sa dayuhang mga kapangyarihan gaya ng US na nakikisakay sa isyu para udyukan ang pakikipaghiwalay ng Hongkong sa China.