14 armas, nasamsam ng BHB-Isabela

,

LABING-APAT NA ARMAS ang nasamsam ng BHB-Isabela sa inilunsad nitong armadong aksyon noong Hulyo 5 sa Barangay Sindun Bayabo, Ilagan City. Limang pistola ang nakumpiska sa operasyong disarma laban sa Task Force Kalikasan (TFK) sa Sityo Lagis sa naturang barangay. Ang TFK ay nakapailalim sa pamumuno ng Provincial Environment and Natural Resources Office at aktibong sinusuhayan ng lokal na mga pwersa ng pulis at sundalo.

Nanguna sa pagpapalayas at demolisyon sa Sityo Lagis noong Hunyo ang TFK kasapakat ang AFP at PNP. Umabot sa 56 na pamilya ang mahigit tatlong dekada nang nagsasaka dito ang napalayas.

Kasabay nito, nakumpiska ng mga Pulang mandirigma ang isang M14, isang AK47 at pitong pistola mula sa limang pulis nang harangin nila ang isang komboy ng PNP sa itinayo nilang tsekpoynt sa kalapit na lugar. Nasamsam din ng BHB ang mga bala at radyong pangkomunikasyon.

Samar. Limang sundalo ng 63rd IB ang napatay sa armadong aksyon ng BHB-Western Samar noong Setyembre 2 sa Sityo Rizal, Barangay Bulao, Basey. Alas-2 ng hapon, muling nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng isa pang yunit ng BHB at isang kolum ng mga sundalo sa Sityo Guinpondoan, Barangay Cogon sa parehong bayan.

Tinutugis noon ng mga sundalo ang mga Pulang mandirigma na nagsagawa ng operasyong haras laban sa 63rd IB.

Noong Agosto 30, dalawang sundalo naman ang napatay habang apat ang nasugatan sa operasyong haras ng mga Pulang mandirigma sa Purok 1, Barangay Mabini, Basey. Bilang ganti, walang pakundangang nang-istraping ang mga sundalo. Tinamaan nila at nasugatan ang isang 14-taong gulang na bata.

Ang 46th IB ang yunit na pumatay sa kapitan ng Barangay Beri noong Abril, sapilitang nagpasurender sa mga magsasaka ng Calbiga at Pinabacdao at nagpahirap sa tatlong magsasaka sa Basey.

Masbate. Apat na operasyong haras ang inilunsad ng BHB-Masbate noong Agosto 18 at Agosto 19 laban sa PNP at 2nd IB. Noong Agosto 18, hinaras ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng mga pulis sa Barangay Bayombon, Masbate City. Sa sunod na araw, isang sundalo ang napatay sa operasyong isnayp ng BHB sa detatsment ng 2nd IB sa Del Carmen, Uson. Sa parehong araw, pinaputukan naman ng BHB ang mga detatsment ng PNP sa Guiwanon, Barangay Danao, San Jacinto at sa San Rafael, San Pascual.

Negros Occidental. Inambus ng BHB-North Negros ang tropa ng 79th IB sa Sityo Moreno, Barangay Paitan, Escalante City noong Agosto 31. Tatlong sundalo ang nasugatan. Walang pakundangang nagpaputok ang mga sundalo, kahit sa lugar kung saan matatamaan nila ang kanilang sariling tropa. Tinatayang 10 ang napatay ng AFP sa sarili nitong pwersa.

Sa tabing ng “peace and development,” halos isang taon nang inookupa ng 79th IB ang Barangay Paitan at ginagambala ang kabuhayan at buhay ng mamamayan dito. Sapilitan nilang pinasusurender ang mga sibilyan. May naiulat ding mga kaso ng iligal na pang-aaresto at ekstrahudisyal na pamamaslang. Ang laking kumpanyang operasyong kombat at dumaraming presensya ng militar sa mga barangay ng Escalante ang nagtulak sa mga residente na magbakwit.

14 armas, nasamsam ng BHB-Isabela