FMO sa Agusan del Norte, bigo

,

Pinagtatakpan ng Armed Forces of the Philippines ang katotohanang bigo ang focused military operation (FMO) na inilunsad nito sa Mt. Hilong-hilong sa North Eastern Mindanao noong nakaraang buwan para makapanghambog at iwasan ang kahihiyan. Ito ang pahayag ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-North Eastern Mindanao Region, noong Setyembre 4.

Matatagpuan ang Mt. Hilong-hilong sa hangganan ng tatlong prubinsya—Agusan del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Sur. Bahagi ito ng kabundukan ng Diwata, at nagtataglay ng maraming klase ng hayop at halaman.

Inilunsad ng 402nd IBde, gamit ang mga batalyon nitong 29th IB at 36th IB, kasama ang mga elemento ng Philippine National Police ng Caraga at CAFGU ang nakapokus na operasyon mula Hulyo 20 hanggang Agosto 15. Ginamit ang naturang operasyon bilang test mission ng 11th at 12th Scout Ranger Company. Sa pangkabuuan, nagpakilos ang AFP at PNP ng 1,000 tropa. Katulad sa ibang FMO, mayroon itong suporta ng mga helikopter na pandigma, arteliri at drone.

Sinaklaw ng operasyon ang mga bayan ng Sibagat sa Agusan del Sur, Carmen, Cantilan, Madrid at San Miguel sa Surigao del Sur at Remedios T. Romualdez sa Agusan del Norte. Nagpadala rin ng mga tropa sa mga syudad ng Butuan at Cabadbaran sa Agusan del Norte. Ang mga lugar na ito, partikular ang bayan ng Cantilan, ay saklaw ng mapaminsalang operasyon ng mga mina. Isa sa mga kumpanyang rito ang Marcventures Mining Development Corporation na ginawaran ng permisong magmina sa mahigit 4,799 ektaryang kagubatan. Sinaklaw ng mga operasyon nito ang sentral na watershed na krusyal sa irigasyon at suplay ng maiinom na tubig ng rehiyon. Dalawang beses nang isinuspinde ang permiso ng kumpanya dulot ng pinsalang dala nito sa kapaligiran.

Ipinagmalaki ng AFP na may nagapi ang kanilang mga tropa na mga “kampo” ng BHB gayong ang mga ito ay lumang taktikal na base o di kaya’y mga sakahan ng mga Lumad. Ang totoo, nagkaroon ng siyam na sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng AFP at mga yunit ng BHB mula Hulyo 25 hanggang Agosto 12. Nagresulta ito sa tatlong kumpirmadong patay, kabilang ang isang tinyente ng 29th IB. Kalakhan ng kaswalti sa kanilang hanay ay dulot ng operasyong demolisyon sa kabundukan ng Barangay Mahaba, Cabadbaran City noong Agosto 12. Isang Pulang mandirigma ang napatay sa mga sagupaan.

Bilang ganti, binweltahan ng AFP ang mga sibilyang komunidad ng mga barangay ng Mahaba at Puting Bato sa Cabadbaran City. Nagpakawala ito ng 15 bomba ng kanyon sa loob ng apat na araw. Nambomba rin mula sa ere ang mga helikopter na AugustaWestland. Mga helikoper na Huey naman ang kanilang pinalipad para sa ebakwasyon ng kanilang mga sugatan at paghahatid ng suplay sa kanilang mga tropa.

Bago at pagkatapos ang operasyong militar, tuluy-tuloy ang militarisasyon ng AFP sa 15 barangay sa paligid ng Mt. Hilong-hilong sa tabing ng mga operasyong “community organizing for peace and development” o COPD. Sa ilalim nito, hinahalihaw ng mga sundalo ang mga barangay para sapilitang magpasurender ng mga sibilyan, manggipit at manakot sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpapatawag sa mga barangay hall kung saan malimit na nakabase ang kanilang mga tropa. Madalas silang nagbabahay-bahay para pwersahin ang mga residente na “sumurender” at makipagkasundo sa kanila. Sa Barangay San Antonio sa RTR, pinatay ng mga pwersa ng 29th IB ang magsasakang si Roger Mandag noong Hulyo 30. Bago nito, paulit-ulit siyang binantaan ng mga sundalo para sumurender.

FMO sa Agusan del Norte, bigo