Konsultant ng NDFP, iligal na inaresto
ILIGAL NA INARESTO noong Agosto 23 ng pinagsanib na mga elemento ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines si Esterlita Suaybaguio, 60, sa Cubao, Quezon City. Si Suaybaguio ay konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pakikipag-usapang pangkapayapaan nito sa GRP. Inaresto siya base sa itinanim na ebidensyang baril at pasabog, katulad sa kaso ng iba pang konsultant ng NDFP. Sinampahan din siya ng gawa-gawang mga kasong pagpatay at bigong pagpatay.
Iginiit ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang agarang pagpapalaya kay Suaybaguio dahil protektado siya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na pirmado ng gubyerno ng Pilipinas at ng NDFP. Nasa pagkakakilanlan sa Document of Identification ni Suaybaguio ang kanyang katayuan bilang konsultant para sa mga usapin sa Mindanao.
Kinundena ni Fidel Agcaoili, punong negosyador ng NDFP, ang pag-aresto. Aniya, isa na naman itong balakid sa posibilidad na matuloy ang negosasyon. Giit ng PKP at NDFP na ibasura ang lahat ng gawa-gawang kasong isinampa kay Suaybaguio, gayundin sa iba pang detenidong konsultant at istap ng NDFP.
Samantala, walang tigil ang pananalasa ng mga armadong pwersa ng rehimeng Duterte at ng kasapakat nitong mga panginoong maylupa sa kanayunan.
Patuloy na inookupa ng mga sundalo ng 2nd IB ang 23 barangay sa mga bayan ng Cawayan at San Fernando, Masbate mula pa Mayo 23. Nitong unang linggo ng Setyembre, iniulat ng BHB-Masbate na pinasok na rin ng mga pasista ang apat na barangay sa Uson. Sa mga baryong ito, laganap ang mga paglabag ng 2nd IB sa karapatang-tao. Pinamumunuan ni Lt. Col. Fabon ang berdugong batalyon na ito.
Sa Bulacan, patuloy na ginigipit ng Royal Mollucan Realty Holdings Inc. ang mga magsasaka sa Sityo Compra, Barangay San Mateo sa Norzagaray. Inaagaw ng naturang kumpanya ang 75.5 ektaryang sakahan na mula dekada 1960 pa binubungkal ng mga magbubukid. Noong Setyembre 2, sinira at sapilitang pinasok ng mga maton ang bahay ng myembro ng Samahang Magbubukid sa San Mateo. Pinagpuputol ng mga ito ang mga kawad ng kuryente sa lugar, ninakaw ang mga alagang kambing at pinagsisira ang mga pananim.