Mga magsasaka ng tabako, ginigipit
Kinundena ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation) ang pagbabansag sa kanila ni Lt. Col. Charles Castillo ng 81st IB bilang ligal na prente ng PKP-BHB. Ginawa ito ni Castillo matapos ang dayalogo ng grupo ng mga magsasaka at ng militar sa upisina ni Gov. Ryan Singson sa kapitolyo ng Ilocos Sur noong Agosto 8.
Ipinaglalaban ng Stop Exploitation ang direktang pamamahagi sa kanila ng 15% ng excise tax sa tabako na isinabatas noon pang 1992 (RA 7171) at 1996 (RA 8240). Nakalaan umano ito para iangat ang kakayahan sa produksyon at kalagayang pang-ekonomya ng mga magsasaka. Sa taong 2016 lamang, nagkahalaga ang pondong ito ng P15.8 bilyon (15% ng P105.4 bilyon). Ngunit ayon sa grupo, mumo lamang ang nakakarating sa kanila. Mula nang isabatas ito, mayroon lamang iilan na nakatanggap ng P15,000, o masahol pa, ay isang sakong abono.
Giit ng mga magsasaka ang subsidyo at insentibo sa produksyon at mga programang kongkretong tumutugon sa mataas na gastusin sa produksyon at mababang kita. Dagdag rito ang suporta para sa pagtatanim ng palay na karaniwang kabuhayan ng mga magsasaka matapos ang anihan ng tabako.
Ayon naman sa pananaliksik ng National Democratic Front-Ilocos, ang pondo noong 2016 ay makapaglalatag na ng sistema ng irigasyon sa mahigit 26,800 ektarya sa rehiyon ng Ilocos, at makapagbabahagi rin ng mga traktora at iba pang kagamitang pansaka. Ang 38% nito ay sapat na para bigyang-subsidyo ang isang buong anihan at magkaroon ng tig-isang ektaryang lupang masasaka ang may 37,000 magsasaka. Mayroon pang matitira na maaaring ilaan sa kalusugan at edukasyon ng mga pamilya ng magsasaka.
Gayunpaman, umaabot sa 85% ng pondo ay napupunta lamang sa mga imprastrukturang hindi direktang pinakikinabangan ng mga magsasaka at matagal nang ginagawang palabigasan ng lokal na mga pulitiko at warlord sa rehiyon. Noong 2001, nalantad ang pagkurakot ng P224 milyon ng dinastiyang Singson ng Ilocos Sur. May pananagutan din si Sen. Imee Marcos sa pagdambong niya ng P213 milyon mula sa pondo nang siya’y gubernador pa ng Ilocos Norte noong 2011 at 2013.
Nakikihati rin sa pagbulsa sa buwis ang mga sindikatong rehimen na nakaupo sa Malacañang. Noong 2001, isa sa ikinaso kay dating pangulo at “hueteng lord” na si Joseph Estrada ay ang paghingi kay dating Gov. Luis Singson ng P130 milyon mula sa pondo. Samantala, sa ngalan ng “proteksyon sa kalusugan ng publiko,” tinaasan naman ni Rodrigo Duterte noong Hulyo 25 ang ipinapataw na excise tax sa tabako. Noong Enero, pumalo sa P20.5 bilyon buwis mula sa tabako ang pumasok sa kaban ng bayan.
Maging ang nakabababang mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ay may kani-kanyang bahagi sa pangungulimbat. Mula 2016-2018, wala pa ring ulat ang di bababa sa apat na lokal na pamahalaan sa rehiyon ng Ilocos kung saan napunta ang inilaan sa kanilang mahigit tig-P1 bilyon. Mahigit P41 bilyon buwis ang nalikom ng gubyerno sa panahong nabanggit.
Kaugnay nito, hinihingi rin ng Stop Exploitation ang pagtataas ng presyo ng tabako tungong P128 kada kilo, nang walang klasipikasyon. Taliwas ito sa umiiral na napakabarat na pagbili mula P28-P82 at madayang paggrado ng mga mangangalakal at malalaking kumpanya sa inaaning Virginia, Burley at Native na klase ng tabako. Kasabwat sa ganitong pagsasamantala ang National Tobacco Administration.