Panghihimasok ng AFP sa mga eskwelahan, tumitindi

,

PINATITINDI NG MGA tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panghihimasok nito sa mga paaralan at unibersidad sa buong bansa. Ito ay sa kumpas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na itinatag sa bisa ng Executive Order No. 70. Nakabalangkas ang mga ito sa kampanyang “kontra-insurhensya” na “whole-of-nation approach” at malaking bahagi ng operasyong saywar (ngayo’y tinawag nang mga “operasyong pang-impormasyon”) ng AFP sa buong bansa.

Pinakalayunin nito na wasakin ang mga demokratikong organisasyon ng mga estudyante at ipataw ang pasistang ideolohiya sa mga kampus. Tungo rito, inilulunsad ng mga sundalo (na unipormado at armado) ang kunwa’y mga ”youth forum,” “information drive,” “pagsasanay,” “youth leadership summit” sa loob ng mga kampus. Laman ng mga aktibidad na ito ang lantarang paninira sa mga demokratikong organisasyon tulad ng Anakbayan, League of Filipino Students at maging ng mga progresibong partido tulad ng Kabataan Partylist at Bayan Muna. Dito, malisyosong tinatagurian ng AFP ang nasabing mga organisasyon bilang “prente ng komunista” o “simpatisador ng BHB” upang gawing iligal ang mga ito at bigyang katwiran ang marahas na pagsupil sa kanilang mga myembro. Nagpapalabas ang AFP ng mapanirang mga bidyo at nagpaharap ng bayarang mga “biktima” at pekeng surenderi.

Ilan sa tampok na aktibidad kamakailan ang mga asembliya ng kabataan at estudyante sa Mindanao. Halimbawa nito ang youth leadership summit sa Mt. Moriah Camp, Malaybalay at pagbisita sa Bukidnon National School of Home Industries. Katulad na mga asembliya rin ang ginawa ng 8th IB sa Bangcud National Highschool at Malaybalay National Highschool. Pinakamadalas ang mga aktibidad ng AFP sa Bukidnon State University. Sa Agusan del Norte, tinipon ng AFP noong Agosto 31 ang 280 kabataan mula sa tatlong barangay ng Remedios Trinidad Romualdez para sa isang porum kung saan siniraan ng militar ang mga progresibong organisasyon. Nakatakda ding maglunsad ng “leadership development training” ang 402nd IBde sa iba’t ibang kinatawan ng Sangguniang Kabataan sa Butuan. Pinatawag din ng 3rd IB ang mahigit 150 kabataan mula sa mga barangay ng Calinan, Davao City.

Nagaganap rin ang katulad na mga pagtitipon sa Luzon at Visayas. Naglunsad ng porum ang 303rd IBde sa University of St. La Salle Integrated School sa Bacolod noong Agosto 23. Pormal na inanunsyo ng AFP ang planong “youth leadership summit” sa mga estudyante ng hayskul sa Negros bilang bahagi umano ng kanilang Community Support Program. Sa Northern Samar, mga tropa ng 803rd IBde ang nag-ikot sa mga paaralan sa kanilang kampanyang “indoktrinasyon.” Isa rito ang talakayan sa mga estudyante ng National Service Training Program sa University of Eastern Philippines noong Agosto 31. Hulyo pa lamang, daan-daang kabataan na ang tinipon ng mga tropa ng AFP para dumalo sa kanilang mga asembliya. Nagpapalaganap naman ng paninira at kasinungalingan ang AFP sa pamamagitan ng mga career guidance seminar sa mga mag-aaral ng senior highschool.

Pangunahing target ng mga operasyong saywar na ito ang mga estudyante at kabataan sa mga prubinsyang pokus ng mga operasyong kombat ng AFP. Ang kalakarang ito ay matagal nang bahagi ng kanilang mga operasyong militar, laluna sa malalayong baryo.

Dagdag sa mga operasyong saywar, naitala ang paniniktik at sarbeylans ng mga elemento ng AFP at PNP sa mga aktibistang mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines at University of Sto. Tomas. Sa Samar, ininteroga ng PNP Regional Mobile Group ang mga kasapi ng The Pillar, publikasyon ng mga mag-aaral sa University of Eastern Philippines. Sa UP Pampanga, nanghimasok din ang mga tropa ng PNP sa kampus matapos inilunsad ng mga estudyante ang kanilang pagkilos kasabay ng UP Day of Walkout and Action. Inireklamo naman ng Rise for Education Alliance sa University of San Carlos-Cebu ang paniniktik ng tropa ng PNP sa kanilang mga aktibidad sa loob ng paaralan. Idineklara naman ng 3rd ID na magdedeploy ang mga ito ng tropa sa West Visayas State University at ilan pang mga pamantasan gaya ng UP Visayas kung saan aktibo umano ang League of Filipino Students at Anakbayan.

Panghihimasok ng AFP sa mga eskwelahan, tumitindi