Presyo ng palay, bumagsak sa P7
SUMADSAD TUNGO SA pinakamababang halaga na P7/kilo ang presyo ng lokal na palay noong Agosto mula sa pinakamataas na P22-24/kilo noong nakaraang taon. Ito ay matapos bahain ang merkado ng relatibong mas murang bigas mula sa labas ng bansa. Dahil dito, bumagsak ng 1.27% ang produksyong agrikultural sa pangalawang kwarto ng taon, pinakamababa sa nakaraang tatlong taon. Batid ng lahat, laluna ng mga magsasaka, na dulot ito ng batas sa liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas na pinirmahan ni Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Noon pa man, minaliit na ng mga magsasaka ang inilaang subsidyo na P10 bilyon para sa tinatayang malulugi sa kanilang sektor. Ayon sa Bantay Bigas, hindi ito sasapat sa 2.7 milyong magsasaka na maapektuhan lalupa’t 10% lamang nito ang direktang mapupunta sa mga magsasaka sa anyo pa ng pautang. Dati nang baon sa utang ang mga magsasaka dulot ng matataas na gastos ng produksyon, gayundin ng upa sa lupa. Imbes na gamitin para pantawid ng maliliit na magsasaka, gugugulin ang kalahati ng naturang subsidyo (P5 bilyon) sa pagbili ng makinaryang pansaka.
Kasabay nito, unti-unti na ring namamatay ang lokal na industriya ng gilingan ng bigas. Ayon sa Philippine Confederation of Grains Association, umaabot na sa 4,000 gilingan (40% ng pangkabuaang bilang ng gilingan sa bansa) ang nagsara dulot ng pagkalugi sa harap ng pagdagsa ng mas murang bigas mula sa ibang bansa. Sa isang talakayan sa Kongreso noong Agosto 28, nanawagan ang Makabayan Bloc, kaisa ng mga magsasaka at opereytor ng gilingan, na ibasura na ang batas ng liberalisasyon na pumapatay sa produksyon ng bigas.