Atake sa Saudi Arabia, isinasangkalan ng US para gipitin ang Iran
ISINASANGKALAN NG imperyalismong US ang serye ng mga atake sa dambuhalang mga planta at pasilidad sa pagpoproseso ng langis sa Abqaiq at Khurais, Saudi Arabia noong Setyembre 14 para patuloy na gipitin ang Iran.
Bagamat agad na inako ng mga milisyang Houthi, isang anti-imperyalistang kilusan ng mga minorya sa Yemen na sila ang nagpabugso ng mga misayl sa mga planta, pilit pa ring pinalalabas ni US Secretary of State Michael Pompeo na ang Iran ang nasa likod ng pang-aatake na binansagan niyang “akto ng digma.” Ayon sa mga Houthi, tugon ang operasyong pananabotahe sa nagpapatuloy na agresyon at panghihimasok ng Saudi Arabia sa Yemen.
Bilang ganti, nagbanta ang pangulo ng US na si Donald Trump na magdedeploy ng dagdag na mga tropang militar at magpapataw ng bago at mas mabibigat na sangksyon sa Iran para pilayin ang ekonomya nito, kabilang ang industriya nito sa langis. Mariin namang pinasinungalingan ng Iran ang mga akusasyon at binatikos ang mga hakbang nito. Iginiit ng hepe ng Foreign Ministry ng Iran na si Mohammad Javad Zarif na “iligal at hindi makatao” ang mga pagbabantang ito sapagkat walang patumangga nitong inaatake ang ordinaryong mga mamamayan ng Iran.
Ang Saudi Arabia, na may pinakamalaking reserba ng langis sa buong mundo, ang isa sa pinakamalapit na alyado ng US sa Middle East at pinag-aangkatan nito ng aabot sa 10 milyong bariles ng langis kada araw. Ang nasirang mga planta ay nagpoprodyus ng aabot sa 5.7 milyong bariles ng langis kada araw o katumbas ng 5% ng pandaigdigang suplay. Dahil sa pang-aatake, naiulat na sumirit nang 14% tungong $62.90 kada bariles ang abereyds na presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Ito na ang pinakamataas na presyong naitala mula 1988.