Nagpapatuloy na pagdanak ng dugo sa Bukidnon

Dalawang magkasunod na pagpaslang sa mga aktibistang magsasaka ang naitala sa Bukidnon nitong nagdaang mga linggo.

Binaril at napatay ng hindi-nakilalang mga suspek si Leonides Bacong, kilalang lider ng KASAMA-Bukidnon, sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Little Baguio, San Fernando Bukidnon noong Setyembre 11.

Binaril at napatay din ng pinaghihinalaang mga elemento ng 88th IB si Angelito Marivao, kasapi ng parehong organisasyon, sa Barangay Mabuhay sa parehong bayan. Si Marivao na ang ika-16 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Bukidnon ngayong taon.
Aktibong tinututulan ng KASAMA-Bukidnon ang pagpasok ng mga kumpanyang mina sa Pantaron Range.

Sa Isabela, pinaslang din ng hindi-nakilalang mga suspek si Sammy Pahayon, organisador sa komunidad, sa loob ng kanyang bahay sa San Mariano, Isabela noong Setyembre 11.

Iligal na pag-aresto at detensyon

Dinakip noong Setyembre 18 ng PNP San Pedro si Antonieta Setias-Dizon, dating upisyal ng Overseas Workers Welfare Administration at isa sa pinakamatagal nang organisador ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) sa kanyang bahay sa San Pedro, Laguna. Inaresto siya batay sa itinanim na ebidensyang baril, pasabog at subersibong mga dokumento. Pinaratangan din siyang sangkot sa kaso ng pagpaslang sa Bayugan, Agusan del Sur. Kasalukuyan siyang nakadetine sa istasyon ng pulis sa San Pedro.

Una nang nakaranas ng pandarahas si Dizon noong 2015 at natulak na magsangtwaryo at magsampa ng writ of amparo at habeas data dahil sa mga banta sa kanyang kalayaan at buhay.

Sa Quezon, dinakip at pilit na pinapirma bilang sumurender na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Alexandrea Pacalda, aktibista sa karapatang-tao at dating kasapi ng College Editors Guild of the Philippines, ng mga elemento ng 85th IB noong Setyembre 14. Idinetine siya nang halos 30 oras sa kampo-militar sa Barangay San Miguel Dao, Lopez bago ipasa sa kostudiya ng pulisya. Tinamnan siya ng mga sundalo ng .38 kalibreng pistola at mga bala, at pinalabas na isinuko umano niya ang mga ito.

Mariing pinasinungalingan ni Pacalda ang pahayag ng militar at pulisya na boluntaryo siyang sumurender. Aniya, habang nasa detensyon ay pinagkaitan siya ng pagkain at tulog, at pinagbawalan na kumuha ng sarili niyang abugado.

Sa Negros Occidental, siyam na kasapi naman ng Teatro Obrero at National Federation of Sugar Workers ang iligal na inaresto ng mga pulis at elemento ng 79th IB sa Sityo Barca, Barangay Jonob-Jonob, Escalante City noong Setyembre 18. Tinamnan ang sinasakyan nilang dyip ng .38 at .9mm kalibreng mga pistola at mga boteng gagawin umanong mga pasabog. Kinumpiska din ang kanilang mga selpon.

Noong Setyembre 11, dinakip naman sa Sityo Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City ng mga pulis si Joel Casusa, tagapangulo ng Kauswagan ng Mangunguma. Inakusahan siyang kasapi ng BHB at sinampahan ng gawa-gawang kasong bigong pagpaslang.

Pagdukot

Dinukot ng mga elemento ng 20th IB si Argentina Madeja, noong Setyembre 13 sa Barangay Burabod, Gamay, Northern Samar. Hindi pa rin siya nakikita at pinaniniwalaang idinetine sa kalapit na detatsment sa Barangay Guibuangan. Isang linggo bago nito, dinukot din ang magsasakang si Nario Lagrimas, residente ng Barangay E. Duran, Bobon.

Pandarahas

Bilang bahagi ng kampanyang saywar ng Armed Forces of the Philippines (AFP), naglunsad ito ng “awareness drive” sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa nitong nagdaang mga linggo. Kabilang sa kanilang binisita ang Bicol University, University of San Carlos sa Cebu at Don Honorio Ventura State University sa Pampanga. Sa mga porum na ito malisyosong iniuugnay ng militar ang mga progresibong organisasyon ng mga kabataan-estudyante sa rebolusyonaryong kilusan.

Samantala, pinagbantaan din ng isang pulis si Noe Santillan, propesor sa University of the Philippines Cebu at bise-presidente ng All UP-Academic Employees Union, dahil lamang sa pagsusuot ng Mao cap (pulang sumbrero na may pulang bituin sa gitna).

Militarisasyon at pagbabakwit

Nagbakwit ang 93 pamilya mula sa Barangay Roxas, Lope de Vega, Northern Samar noong Setyembre 20 dulot ng pananalakay ng mga tropa ng 43rd IB sa kanilang baryo. Sapilitang hinalughog ng mga berdugo ang mga kabahayan, pinagbantaan at ginipit ang mga residente.
Noong 2018, lumikas din ang mga residente dulot ng matinding militarisasyon sa kanilang komunidad.

Nagpapatuloy na pagdanak ng dugo sa Bukidnon