Patuloy na atake sa mga maralita ng Pandi
Nilusob ang upisina ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) noong Setyembre 9 sa Barangay Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan ng mga myembro ng grupong tinatawag ang sarili bilang Pagkakaisa Mamamayan Tungo sa Kaayusan. Matapos halughugin ang upisina, sinunog ng grupo ang ilan sa mga kagamitan ng Kadamay at ninakaw ang iba pa kabilang ang mahahalagang dokumento.
Ang grupong nanloob ay nagpapakilalang mga “maka-Duterte” at “anti-Kadamay. Binuo ng mga ahente ng gubyerno ang naturang grupo at nang-uudyok sa mga residente na tumiwalag sa Kadamay. Nag-aasta rin itong awtoridad sa pamamahagi ng mga “entry pass” gamit ang pangalan ng National Housing Authority. Nang maganap ang panloloob, sinamahan at guwardyado pa sila ng mga sundalo ng 48th IB at mga pulis mula sa Malolos, Angat at Pandi kasama ang hepe nito na kinilalang Placido. Nasa komunidad na ang mga sundalo mula pa noong Setyembre 4 at nanggigipit ng mga residente. Dalawang lider ng Kadamay, sina Pat Tupaz at Obet Lunzaga, ang pinagbantaang papatayin.
Ayon sa Kadamay, ang mga insidenteng ito ay bahagi ng kabuuang atake ng rehimen upang buwagin ang kanilang organisasyon at palayasin sila sa dating tiwangwang na pabahay na kanilang inokupa noong 2017. Mula noon, kaliwa’t kanang paninira at pang-aalipusta ang ipinukol sa Kadamay. Pinaratangan ang organisasyon bilang “prenteng komunista,” tinatakot sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril, at noong Mayo, iligal na dinakip ang kanilang mga myembro.
Walang pinag-iba ang mga taktikang ginamit ng rehimen sa Pandi sa madugong mga maniobra nito sa Negros, Bukidnon, Davao at iba pang lugar kung saan ginamit ang mga “anti-komunistang grupo” na hindi kaiba sa mga paramilitar na katuwang ng AFP at PNP. Pinalalabas nito na walang kaugnayan ang estado sa gayong mga grupo, pero sa katotohanan ay binuo at pinopondohan nito ang mga myembro.
Maging ang kanilang makatwirang panawagan para sa serbisyong tubig at kuryente ay ipinagkakait ng mga kaukulang ahensya. Kasabay nito ang pagpapakilos ng rehimen sa mga bayarang troll sa social media para dustain ang mga manggagawa’t mala-manggagawa ng Pandi. Sa kabila ng matinding panggigipit sa kanilang kabuhayan, nag-inisyatiba ang Kadamay na magpatakbo ng programang pangkabuhayan, dangan lamang at pinahihirapan ng mas mataas na presyo ng kuryente at tubig.
Inokupa ng Kadamay ang tiwangwang na mga pabahay matapos ang ilang bigong pakikipagdayologo sa gubyerno na tugunan ang kanilang karapatan. Nitong huli, maging ang mga myembro ng grupong nanloob ay umookupa na rin ng tiwangwang na mga pabahay gamit ang pangalan ng Kadamay. Patunay ito ng kalubhaan ng kawalan ng pabahay para sa mga maralita