Pekeng mga palabas ng AFP

,

 

Desperadong nagpakana ng mga palabas at naghabi ng mga kasinungalingan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong nagdaang mga araw upang palabasing nagagapi na ang rebolusyonaryong kilusan. Ginagamit din nila ang mga ito para makakubra ng dambong mula sa programang E-CLIP ng rehimen. Kabilang sa mga ito ang pagparada sa mga pwersa ng estado bilang mga kasapi umano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), at mga pekeng engkwentro.

Pekeng pagsurender

Mariing binatikos ng BHB-Negros ang ipinakana ng 3rd ID na pagsurender umano ng may 310 kasapi ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Bongcayao Brigade (RPA-ABB) bitbit ang kanilang mga armas noong Setyembre 8. Lubhang kakatwa ang palabas na ito sapagkat matapos magsurender ng mga armas, sila ay pinangakuan ng hambog na si Duterte na muling aarmasan at “bibigyan ng tangke de gera” pagkatapos sumailim sa 45-araw na pagsasanay bilang mga elemento ng Community Defense Unit. Malinaw na larawan ito ng kapitulasyon at kolaborasyon.

Ang RPA-ABB ay notoryus na kasapakat ng AFP sa pagpapatupad ng kampanyang kontra-insurhensiya sa isla ng Negros mula pa noong dekada 1990s. Ang mga tropa nito ay mga armadong mersenaryong sangkot sa mga krimen at kontra-mamamayang aktibidad, at kinakanlong at inaarmasan ng despotikong mga panginoong maylupa at kapitalistang nangangamkam sa lupa ng maralitang mga magsasaka. Pinakahuling krimen nila ang masaker sa siyam na magsasaka sa Sagay noong Oktubre 2018.

Nalantad din ang palabas na pagdakip ng PNP sa Pasig City noong Setyembre 7 sa sundalong si Joselito Novelo Naag na ipinresenta bilang mataas na upisyal ng BHB sa Bikol at may patong na P100,000 sa ulo; at palabas na pagsurender ni Jasmen Acevedo at mga kasapi ng kanyang grupong bandido sa 36th IB bilang mga kasapi ng BHB sa Surigao del Sur noong Setyembre 4.

Pekeng engkwentro

“Walang engkwentrong naganap sa pagitan ng BHB at 79th IB.” Ito ang pahayag ng BHB-Negros matapos ibalita ng 303rd IBde na nakadakip umano sila ng mga kasapi ng BHB sa isang engkwentro noong Setyembre 17 sa Sityo Maitom, Old Poblacion, Escalante City, Negros Occidental.

Ang pakanang ito ay desperadong naglalayong magpakalat ng pasistang takot ngayong buwan para isabotahe ang paggunita ng mamamayan sa ika-34 taon ng Escalante Massacre, at pilitin silang padaluhin sa magaganap na kontra-mamamayang “peace summit” na itinaon sa parehong araw. Ginamit ng 79th IB ang engkwentro para bigyang katwiran ang operasyon at pagsikil nito sa karapatan ng mga residente ng Sityo Maitom, Barangay Old Poblacion na nagresulta sa sapilitang paglikas ng 145 residente noong Setyembre 17.

Pinasinungalingan din ng BHB-Eastern Visayas ang umano’y engkwentro sa Barangay Olera, Calbayog City, Samar noong Agosto 23 na ikinasawi ni 2Lt. Geroe Jade Nicor, Cpl. Joelito Canico at dalawa pang tropa ng 43rd IB. Anito, ang totoong naka-engkwentro ng mga sundalo ay mga armadong maton ng meyor ng Calbayog City na si Ronald Aquino. Dagdag pa nito, walang yunit ng BHB sa nasabing lugar noong panahong iyon.

Pekeng mga palabas ng AFP