Pinatinding pagsupil sa mga maralita ng Kamaynilaan

,

Sa kauna-unahang pulong ng bagong buong National Capital Region Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NCRTF-ELCAC) ng rehimeng Duterte noong Setyembre 10, walang batayang ipinahayag ng hepe ng pulisya sa rehiyon na si Maj. Gen. Guillermo Eleazar na pugad umano ng armadong rebolusyonaryong kilusan ang Kamaynilan, lalo na ang mga lunsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA).

Kahit pa wala namang nagaganap na armadong paglaban sa rehiyon, pinalalabas niya na baseng masa umano ng kilusan ang malalawak na maralitang komunidad sa CAMANAVA. Kunwa’y iginigiit niyang kinakailangan itong pakatan ng mas marami pang pwersa ng estado sa ngalan ng pagpapanatili ng “kapayapaan at kaayusan.” Subalit malinaw na hangad lamang niyang bigyang matwid ang imbing kampanyang kontra-insurhensiya na naglalayong supilin ang demokratikong mga paglaban ng mga residente para sa pabahay at regular na hanapbuhay.

Imbis na tugunan ang demokratikong mga kahilingan ng mga residente para sa disenteng pamumuhay, ginagamit ng rehimen ang NCRTF-ELCAC para maghasik ng pasistang teror hindi lamang sa nasabing mga lugar kundi pati na rin sa iba pang bahagi ng Metro Manila para sindakin at patahimikin ang mga maralita.

Ayon sa BAYAN Metro Manila, madami nang residente at aktibista sa CAMANAVA ang nag-ulat ng pandarahas sa kanila ng mga pulis at sundalo mula nang itatag ang NCRTF-ECLAC. Iniulat ng Defend the Defenders Network (DDN) na kasalukuyang pinamumunuan ni Major Jeoffrey Braganza ang pandarahas at paninindak ng mga pwersa ng estado sa mga kasapi ng KADAMAY sa Caloocan.
Bilang tugon, pinangunahan ng DDN ang protesta ng mga residente ng CAMANAVA noong Setyembre 18 sa Monumento Circle, Caloocan City para kundenahin ang tumitinding pagsupil sa kanila ng rehimen.

Kalagayan ng mga maralita sa Metro Manila

Bantog ang Metro Manila bilang pinakamasikip na rehiyon sa buong mundo. Sa abereyds, tinatayang nagsisiksikan sa kada kilometro-kwadrado (km2) nito ang 19,988 katao. Ang Maynila naman ang pinakamasikip na lunsod na may 41,515 katao/km2. Kabilang rin sa mga pinakamasikip ang Caloocan (27,915/ km2), Malabon (22,419/km2) at Navotas (21,674/km2).

Konsentrado sa mga lugar na ito ang pinakamalalawak na maralitang mga komunidad sa bansa.

Dahil sa napakalaking populasyon at kawalan ng abot-kaya at disenteng pabahay, natutulak ang mga maralitang pamilya na magtayo ng mga barung-barong at makipagsiksikan sa mga estero, tabing ilog at riles, eskinita at maging sa mga tambakan ng basura. Ayon sa datos ng reaksyunaryong gubyerno noong 2014, aabot na sa 32% ng populasyon sa NCR (4.64 milyong residente) ang nagtitiis sa mga komunidad na ito, na karamihan ay walang maayos na patubig, sanitasyon at kuryente. Tinatayang papalo na ito sa 36.7% (6.3 milyong residente) pagsapit ng 2020.

Karamihan sa mga residente rito ay mula sa uring malaproletaryado na walang hanapbuhay o regular na mapagkakakitaan. Sa kabila ng patuloy na paglawak ng kanilang mga komunidad, walang kaakibat na mga programa ang rehimen para tugunan ang kanilang mga pangangailangan at nananatiling kaunti ang oportunidad sa hanapbuhay.

Krisis sa pabahay

Batay sa konserbatibong taya ng reaksyunaryong estado, aabot na sa 6.8 milyon ang maralitang mga pamilya sa buong bansa na mangangailangan ng pabahay pagsapit ng 2022. Sa kabuuan, kailangan ng ₱3.4-trilyong badyet para sa konstruksyon ng mga ito.

Gayunpaman, nagbubulag-bulagan ang rehimen at ipinanukala na maglaan lamang ng ₱6.2-bilyong badyet sa bagong buong Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa susunod na taon. Ang ahensyang ito ang nakatalagang mangasiwa sa mga programang pabahay ng rehimen. Ang alokasyong ito ay wala pa sa 1% ng kabuuang kinakailangang badyet.

Samantala, naglaan lamang ang ng ₱3.2 bilyon sa National Housing Authority at ₱1.3 bilyon sa Social Housing Finance Corporation na nakatalagang kumatuwang sa DHSUD.
Ang kalunus-lunos na kalagayang ito at kasabay na pananalasa ng pahirap at pasistang mga patakarang gaya ng batas na TRAIN at Oplan Tokhang ng rehimen ang nagtutulak sa milyun-milyong maralita, hindi lamang sa Kamaynilaan kung hindi pati na rin sa buong bansa, na makibaka para sa kanilang mga karapatan.

Pinatinding pagsupil sa mga maralita ng Kamaynilaan