50th IB, inambus ng BHB-ICR
INAMBUS NG BAGONG Hukbong Bayan (BHB)-Ilocos-Cordillera (Chadli Molintas Command) ang isang platun ng Charlie Company 50th IB na pinamumunuan ni Lt. Pulalonan sa Aguid, Sagada, Mountain Province noong Setyembre 26. Ayon sa mga naunang ulat, isang sundalo ang namatay at isa ang sugatan. Isinagawa ang ambus sa gitna ng operasyong dumog ng Northern Luzon Command ng AFP na sumasaklaw sa limang munisipyo (Bontoc, Sagada, Besao, Tadian at Bauko) at kanugnog na munisipyo ng Abra (Tubo).
Samantala, inambus ng isang yunit ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang isang trak ng pulis na bumabagtas sa haywey na sakop ng Barangay Pasi, Socorro, Oriental Mindoro noong Setyembre 24. Hindi bababa sa 12 ang kaswalti sa hanay ng kaaway. Kinakasangkapan ng 203rd IBde ang naturang mga pulis sa mga inilulunsad nitong operasyong kombat sa isla.
Sa Camarines Sur, dinisarmahan ng BHB-Caramoan (Tomas Pilapil Command) si Jose Cordial, sa Sityo Mantopo, Barangay Binagasbasan, Garchitorena. Nakumpiska sa kanya ang dalawang KG9 at apat na magasin nito, dalawang pistolang kalibreng .45 at apat na magasin nito, at mga bala. Si Cordial, isang pirata, ay inirereklamo ng mga residente dahil sa kanyang pang-aabuso, pananakot at pagpapaputok ng baril. Imbwelto rin siya sa pagtutulak ng droga at pang-aagaw ng lupa sa mga katabing parsela ng lupa na pag-aari ng ibang magsasaka.
Samantala, mariing pinabulaanan ng BHB-Albay (Santos Binamera Command) na may naganap na engkwentro sa Sityo Cadlom, Barangay Pandan sa Ligao, Albay noong Oktubre 1. Anang BHB, pakana lamang ito ng AFP-PNP para bigyang katwiran ang pagbubuo ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict.