Ang mukha ng kapitalismo sa China
Sa paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng People’s Republic of China (PRC) noong Oktubre 1, ipinarada ng China ang mga bagong armas at armadong hukbo nito sa isang magarbong pagpapamalas ng imperyalistang lakas. Katulad ng pakikipaggera nito sa larangan ng kalakalan, malinaw na ipinaabot nito sa malalaking kapitalistang bansa, laluna sa US, ang kahandaan nitong sumuong sa papatinding inter-imperyalistang tunggalian habang naghahangad ng mas masaklaw na impluwensya at kontrol sa buong mundo.
Sa nakaraang ilang taon, matingkad ang pagpapalakas ng China ng sarili nitong hukbo. Ayon sa mga upisyal na pahayag nito, ito ay para pangalagaan ang mga internal na interes ng bansa (kabilang ang mga teritoyo na unilateral nitong inaangkin tulad ng South China Sea), gayundin ang papalawak at paparaming panlabas na mga interes nito.
Ito na ang inabot ng panunumbalik ng China sa mapang-api at mapagsamantalang kapitalistang landas, na taliwas sa ipinalalabas ng mga pinuno nito, ay hindi naipatutupad sa mapayapa o mahinahong paraan. Sa halip, ipinataw ng China ang transpormasyong ito sa pamamagitan ng matinding panunupil at pagsasamantala sa sarili nitong mamamayan na bumibilang sa milyun-milyon, at sa malawakan at todong pagwasak ng lipunan at ekonomyang sosyalista.
Hindi maitatago ng pamunuan ng Communist Party of China (CPC) ang pagtatraydor nito sa proletaryado, ang pananaig ngayon ng monopolyo kapitalismo sa China at ang pagsagawa nito ng mga hakbang na maituturing na imperyalistang agresyon.
Manipis na tabing na lamang ang mga sosyalistang retorika at pag-iiba nito sa makakanlurang kapitalismo sa pamamagitan ng pagdedeklarang nananatili itong sosyalista ang bansa, bagamat may mga “katangiang Chinese.” Pinanatili nito ang panlabas na istruktura ng partido komunista, gayundin ng mga kongreso ng mamamayan at mga kapulungan, pero sa aktwal ay pinaghaharian ng mga monopolyo kapitalista sa loob at labas ng partido at estado at mga kasabwat na dayuhang negosyante ang estado.
Pagbuwag ng kolektibong #pag-aari at pagpapaunlad ng lupa
Isa sa pinakauna at pinakamasahol na hakbang na itinulak ng mga rebisyunistang kumontrol sa CPC para wasakin ang sosyalistang sistema ang pagbuwag ng kolektibong pag-aari, pangangasiwa at pagpapaunlad sa lupa. Sinimulan ng pamunuan ng China noong huling bahagi ng dekada 1970 ang proseso ng “de-kolektibisasyon” na naglipat sa “responsibilidad” ng produksyon at pagsasaka mula sa mga komite ng komuna tungo sa mga indibidwal na pamilya. Bagamat nanatili sa komuna ang pagmamay-ari ng lupa, ibinigay sa mga indibidwal na magsasaka ang karapatang magbungkal nito sa loob ng 15 taon, na sa kalauna’y ginawang 30 taon. Sa ilalim ng sosyalistang China, inorganisa ang mga komuna bilang isang anyo ng pampublikong pag-aari kung saan ang lupa ay pag-aari ng estado at malalaking komuna, ang produksyon ay kolektibong pinagpapasyahan at pinangangasiwaan ng komuna, at ang rekurso at yaman ay pinakikinabangan ng buong mamamayan.
Ang maliliit na komuna ay maaaring buuin ng 5,000 pamilya habang ang malalaki ay maaaring umabot sa 20,000 pamilya.
Taliwas sa ipinalabas ng CPC sa panahong iyon na “masigasig” at “boluntaryo” ang pagtanggap sa dekolektibisasyon, malawakan ang pagtutol ng mga magsasaka, gayundin ng nakabababang mga kadre ng Partido, sa hakbang na ito. Pinakamariin ang pagtutol sa noo’y pinakamauunlad na bayan, tulad ng Shanghai, Beijing at Yunnan, na sa kalaunan ay ginawang mga sentro ng kapitalistang produksyon ng lokal at dayuhang mga monopolyo. Gayunpaman, gamit ang makinarya ng estado, ipinatupad ang dekolektibisasyon at ibinalik ang mga magsasaka sa maliitan at hiwa-hiwalay na produksyon. Sa abereyds, nasa 0.64 ektarya na lamang ang lupang pinagmamay-arian at sinasaka ng kada magsasaka.
Pagsapit ng 2002, binago ng China ang patakaran nito sa lupa at ipinatupad ang muling konsentrasyon ng lupa, pero sa kamay na lamang ng iilan. Dulot ng tulak ng urbanisasyon, pinahintulutan nito ang malawakang pangangamkam ng pribadong mga negosyo at plantasyong komersyal sa lupa ng mga komuna at indibidwal na magsasaka. Binigyan ng kapangyarihan ng China ang mga burukrata nito sa gubyerno na agawin ang mga lupaing agrikultural at itransporma ang mga ito para sa gamit-industriyal, komersyal o panturismo. Noong 2008, ipinahintulot na ng China ang walang-sagkang pagbebenta at pagsusubasta ng karapatan na magbungkal sa lupa ng mga indibidwal na magsasaka. Noong 2016, 20% ng mga lupang agrikultural ay konsentrado na sa pribadong mga kumpanya at indibidwal, at 5% na lamang ang pormal na pinagmamay-arian ng estado.
Hinawan ng patakarang ito ang pribatisasyon at rekonsentrasyon ng milyun-milyong ektaryang lupa sa kamay ng mga lokal at dayuhang kumpanya. Inuk-ok ng dekolektibisasyon at kalauna’y pribatisasyon ng lupa ang maka-uring alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, ang pagkakaisa ng kanayunan at kalunsuran at ang balansyadong pag-unlad ng agrikultura at industriya. Ang mga magsasakang Chinese, na nagsilbi bilang pangunahing pwersa sa sosyalistang konstruksyon ay nawalan ng kapangyarihan sa pulitika at ekonomya.
Sa pagbuwag sa mga komuna, lumaganap ang gutom dahil hindi na natiyak ang produksyon ng sapat na pagkain at maksimisasyon ng rekurso para sa kabuuan. Nawala ang kaakibat na mga mekanismo tulad ng mga kooperatiba sa pagbebenta. Walang ipinalit na mga subsidyo at mga insentiba ang estado para tustusan ang mga ito. Sa kalaunan, marami sa mga magsasaka ang tumigil magsaka dulot ng matataas na gastos sa produksyon laluna matapos tanggalin ng estado ang kontrol sa presyo ng mga pataba at binhi.
Kasabay sa pagkalusaw ng mga komuna, nawala rin ang mga serbisyong ibinibigay ng mga ito, tulad sa kalusugan at edukasyon. Kung sa panahon ng sosyalistang konstruksyon, umaabot sa 85% ng mga pamilya sa kanayunan ay tumatamasa ng serbisyong pangkalusugan (pangunahin sa ilalim ng sistema ng “duktor na nakayapak”), pagsapit ng dekada 2010, baliktad na ang estadistika (80% ay walang serbisyo). Gayundin, sa dekada 1970, 70% pa ng mga kabataan sa kanayunan ang nakapagtatapos ng hayskul, 10% na lamang sa kanila ang gumagradweyt pagsapit ng katapusan ng dekada 1990.
Sa taya ng United Nations, nasa 750 milyon sa kanayunan ng China ang nabubuhay nang wala pang $2/araw (P100). Marami sa mga nagtatrabaho sa mga syudad ay hindi naisasama sa bilang ng mga residente (tinatayang nasa 250 milyon) at sa gayon ay hindi napaglalaanan ng mga serbisyong sosyal. Sa buong mundo, pinakamalaki sa China ang agwat ng mga kita sa pagitan ng mga naninirahan sa syudad at kanayunan mula pa dekada 1980.
Pribatisasyon ng industriya
Dahil inagawan ng lupa ang mga magsasaka, napilitan silang makipagsapalaran sa mga syudad para maghanapbuhay. Nakipagsiksikan sila sa dati nang limitadong espasyo sa mga syudad, at nakipag-agawan sa mga trabahong mabababa ang sahod at masasahol ang mga kundisyon sa paggawa.
Tinatayang nasa 150 milyong magsasaka ang dumagsa sa mga syudad simula dekada 1980 dulot ng dekolektibisasyon sa kanayunan. Sila ang naging balon ng murang lakas-paggawa na sinamantala ng lokal at dayuhang mga kumpanya. Sa kabuuang lakas-paggawa, lumaki ang bilang ng mga manggagawang hindi sangkot sa agrikultura mula 31% sa dekada 1980, tungong 50% noong 2000 at 60% pagsapit ng 2008. Tinatayang aabot ito sa 70% pagsapit ng 2020.
Noong dekada 1990, ipinatupad ng China ang malawakang pribatisasyon ng mga pampublikong industriya. Ibinenta sa napakababang halaga, kundiman halos ipinamigay nang libre, sa mga pribadong entidad ang halos lahat ng maliliit at katamtamang-laking negosyo, at ilang malalaking pampublikong pabrika. Maraming upisyal ng gubyerno (kabilang ang mga korap na “kadre ng Partido”), mga manedyer ng naturang mga negosyo at mga kapitalistang may kuneksyon sa CPC ang nakinabang sa hakbang na ito. Sila ang bumuo sa bagong mga kapitalista sa lipunang Chinese. Mabilis nilang napalago ang kanilang kapital mula sa pandarambong sa mga pampublikong ari-arian at negosyo at pagsamantala sa mga murang lakas-paggawa ng masang anakpawis. Tinatayang umabot sa 30 trilyong yuan (o P217 trilyon sa palitang 1 yuan=P7) ang halaga ng mga pampublikong ari-ariang kinamkam ng mga kapitalista.
Noon pang dekada 1980, ibinukas na ng China ang lokal na ekonomya sa pandarambong ng dayuhang puhunan. Inilatag nito ang mga espesyal na sonang pang-eksport kung saan malayang makapagtayo ng mga empresa ang mga dayuhang kapitalista nang hindi nagbabayad ng buwis at hindi sumusunod sa mga patakaran sa paggawa at iba pang “insentiba.” Noong Marso, ipinasa na sa kapulungan ng China ang bagong batas kaugnay sa dayuhang pamumuhunan na magbubukas na ng buong ekonomya ng bansa sa dayuhang kapital at pandarambong. Magkakabisa ang naturang batas sa Enero 2020.
Sa loob ng mga pampublikong empresa, puu-puong milyong mga manggagawa ang nawalan ng trabaho at nasadlak sa kahirapan dulot ng mga patakarang ipinatupad ng bagong mga kapitalista sa ngalan ng “modernisasyon.” Gamit ang modelo sa mga abanteng kapitalistang bansa, tinanggal ng bagong kapitalista ang mga garantiya at benepisyong itinatak at ipinaglaban sa panahon ng sosyalistang konstruksyon. Binigyan ang mga manedyer at kapitalista ng karapatang mag-empleyo at magsisante ng manggagawa. Pinalitan ng sistema ang dating sistema ng kolektibong pagpapataas ng produktibidad ng sistema ng paggawad ng mga materyal na insentiba. Kapalit nito, binawi ang dating mga sosyalistang garantiya kabilang ang seguridad sa trabaho, pensyon, maternity leave at iba pang benepisyong pangkalusugan, edukasyon at iba pa. Noong 1982, tinanggal sa konstitusyon ng China ang karapatang magwelga, isang karapatang tiniyak noon ng mga rebolusyonaryong Chinese. Tulad sa kanayunan, malawakan at matindi ang naging pagtutol ng mga manggagawa sa mga hakbang na ito.
Dulot ng mga patakarang ito, dinaranas ng mga manggagawang Chinese ang pagbagsak ng kanilang sahod, pagkitid ng kanilang mga benepisyo, benepisyo, mas mahahabang oras ng paggawa, pagdami ng mga aksidente sa lugar-trabaho at iba pang problema. Naipaglaban ng nakatatandang mga manggagawa ang kanilang seguridad at benepisyo sa mga pampublikong empresa, pero kalakhan ng mga bagong manggagawa ay ipinasok na bilang mga kontraktwal. Sa mga sonang pang-eksport, nagtatrabaho nang hanggang 12 oras ang mga manggagawa, pitong araw sa isang linggo. Nakatira sila sa masisikip na dormitoryo na sumisingil na matataas na bayarin sa tubig at kuryente. May mga panahong pinipilit silang magtrabaho nang hanggang 15 oras sa isang araw at pinatatawag sila sa pabrika anumang oras naisin ng kapitalista.