Dustang kalagayan ng mga migrante sa ilalim ni Duterte
Nagkakandarapa ang rehimeng Duterte sa pagtulak ng mga manggagawang Pilipino na makipagsapalaran sa ibayong dagat para artipisyal na palutangin ang naghihingalong ekonomya ng bansa. Sa harap ng tumitinding disempleyo at nagpapatuloy na pagbulusok ng lokal na produksyon, agresibong ibinebenta ng rehimen ang malaking bilang ng walang trabahong Pilipino sa mga kapitalistang bansang naglalaway sa mura at supil na paggawa.
Kabilang sa mga maniobra ni Duterte ang kamakailan niyang pagliwaliw, kasama ng kanyang mga upisyal sa ekonomya at militar, sa Russia noong Oktubre 2-5. Nakipagpulong sila kay Pres. Vladimir Putin at mga kapitalistang Russian para direktang mamalimos, hindi lamang ng ayudang pinansyal at militar, kundi pati na rin ng dagdag na mga trabaho para sa mga Pilipino.
Noong nakaraang buwan, ipinagyabang din ng rehimen ang pinirmahan nitong mga kasunduan sa paggawa sa iba’t ibang bansa. Mula Enero-Hulyo, direkta umano itong nakapagpadala ng 4,498 migranteng manggagawang Pilipino (overseas Filipino workers o OFW) sa anim na bansa. Pinakamarami ang idineploy nito sa South Korea at Saudi Arabia. Dagdag pa umano rito ang puu-puong manggagawang idedeploy kada taon sa Canada, Israel, Spain at iba pa.
Pagsandig sa remitans
Ang ekonomya ng Pilipinas ay palagiang nasa krisis at bigong makatayo sa sariling paa. Para sustentuhan ang lokal na konsumo at artipisyal na resolbahin ang patuloy na lumalaking depisito sa balanse ng mga kabayaran (balance of payments o BOP), naging patakaran na ng reaksyunaryong estado ang pagsandig sa remitans na ipinapasok ng mga OFW sa bansa.
Noong nakaraang taon, pumalo na sa $28.9 bilyon (o P1.5 trilyon sa palitang $1=P52.44 noong Disyembre 2018) ang kabuuang remitans ng mga OFW. Ito na ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng bansa, at katumbas na ng 9.7% ng naitalang gross domestic product (kabuuang lokal na produksyon) sa parehong taon.
Nananatiling pinakamalaki ang remitans mula sa US ($9.99 bilyon), na siya ring may pinakamalaking bilang ng mga OFW (4 milyon) sa buong mundo. Sinundan ito ng Saudi Arabia ($2.23 bilyon) at United Arab Emirates ($2.04 bilyon).
Desperado si Duterte na palakihin pa ang remitans ng mga OFW sapagkat pinatataas nito ang credit rating (grado sa kakayahang magbayad ng utang) ng bansa. Ito ang kanyang ginagamit para mang-akit ng dagdag pang dayuhang mga pautang at pamumuhunan para sa kanyang programang “Build, Build, Build”.
Noong 2018, may abereyds na 6,298 manggagawang Pilipino kada araw ang lumabas ng bansa (o kabuuang 2.3 milyon). Tatlong ulit itong mas malaki kumpara sa 2,250 na abereyds na bagong trabahong nalikha ng lokal na ekonomya kada araw sa parehong panahon. Aabot sa 1.28 milyon sa kanila ay kababaihan. Kalakhan sa kanila ay mga kontraktwal at inaalipin ng kanilang mga employer. Tinitiis nila ang hindi makataong kundisyon sa paggawa, rasistang diskriminasyon at iba pang mga pang-aabuso.
Iniulat ng Commission on Filipinos Overseas noong 2013 na may mahigit 10.2 milyon nang Pilipino ang nagtatrabaho sa ibayong dagat. Labas pa rito ang hindi dokumentadong mga migrante.
Maniobra sa panghuhuthot
Iba’t ibang maniobra ang ipinatutupad ng rehimen para makapiga ng bilyun-bilyong kita mula sa mga OFW. Aabot na sa P27,450 ang kabuuang singil ng iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno sa bawat manggagawang nag-aaplay ng trabaho sa labas ng bansa. Kabilang dito ang rekisitong P11,400 na deposito sa SSS at Philhealth, na ipinataw ng rehimen noong 2018 sa bisa ng hungkag na Universal Health Care Act.
Hayok sa tubo, ipinatupad din ng rehimen ang patakarang “no pay, no service” (walang bayad, walang serbisyo) para obligahin ang mga OFW na magbayad. Sa kabilang banda, inaabswelto ng patakaran ang rehimen mula sa ligal na obligasyon nitong pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga OFW.
Noong nakaraang taon, nakakolekta ang reaksyunaryong estado ng P36.91 bilyon mula sa tinatayang 1.3 milyong migranteng manggagawa.
Samantala, naglaan lamang ang rehimen ng P1.2 bilyong pondo para sa mga serbisyo nito sa mga OFW noong nakaraang taon. Ang halagang ito ay 3% lamang ng kinita nito mula sa paniningil ng mga bayarin at wala pa sa isang porsyento ng kabuuan nilang remitans sa parehong panahon.
Inutil
Labis-labis ang napipigang kita ng rehimen subalit kulang na kulang naman ang naibibigay nitong tulong sa mga migrante, laluna sa mahigit 4,000 na nakakulong sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang 73 nasentensyahang bitayin.
Pinakatampok ang kaso ni Mary Jane Veloso, biktima ng panloloko na nasentensyahang bitayin sa Indonesia. Noong 2017, tila pinahintulutan na ng rehimen ang gubyerno ng Indonesia na isagawa ang pamamarusa nang pagbawalan nito si Veloso na magsumite ng kanyang testimonya laban sa kanyang iligal na mga rekruter na sina Ma. Cristina P. Sergio at Julius Lacanilao sa Nueva Ecija.
Inisyal na iniskedyul ang pinakahuling pagdinig sa kaso laban sa nasabing mga rekruter noong Setyembre 26 subalit binigyan pa rin ng lokal na korte si Veloso ng huling pagkakataon para tumestigo sa Oktubre 28. Sa kabila nito, patuloy na nagbibingi-bingihan ang rehimen sa panawagan ng mga kamag-anak, kaibigan at mga tagasuporta ni Veloso na pahintulutan siyang tumestigo upang mailigtas ang kanyang buhay.