Itigil ang panloloko, palayain si Alexandrea!

,

NAGSAMPA NG PETISYON para sa writ of habeas corpus sa Korte Suprema si Arnulfo Pacalda, ama ni Alexandrea Pacalda, isang aktibista na iligal na inaresto ng Armed Forces of the Philippines at pinalabas na “sumurender” na Pulang mandirigma.

Ayon sa mga abugado ng pamilyang Pacalda, hinihiling nila na kagyat na iharap ng militar si Alexandrea sa korte para agad siyang mapalaya. Si Alexandrea ay inaresto noong Setyembre 14 sa Barangay Magsaysay, Quezon. Hindi siya pinakain at pinatulog nang halos 30 oras. Pinapirma siya sa isang dokumentong napag-alaman niya sa kalaunan na isa palang pahayag ng boluntaryong pagsurender. Binawi niya ito matapos madalaw ng kanyang pamilya at bahagyang napawi ang takot na dinaranas niya. Naglabas siya ng nakabidyong pahayag na nagsasabing hindi siya sumurender, hindi siya susurender at wala siyang dahilan para sumurender.

Sa bukas na liham ng amang Pacalda, hiningi niya sa publiko ang suporta para kagyat na mapalaya ang kanyang anak. Aniya, tumigil siya at ang kanyang anak na lalaki sa pagtatrabaho para samahan si Alexandrea sa kulungan ng kampo-militar dahil sa takot ni Alexandrea na muli siyang pupwersahing “sumurender” kapag wala siyang bisita. Nananatiling matatag ang pamilyang Pacalda dahil batid nilang walang sala at walang ligal na batayan ang pagkukulong kay Alexandrea.

Itigil ang panloloko, palayain si Alexandrea!