#KampuhanIlocos, inilunsad

,

INILUNSAD NG SOLIDARITY of Peasants against Exploitation at National Federation of Tobacco Farmers Association and Cooperatives ang #KampuhanIlocos noong Setyembre 24 sa harap ng kapitolyo ng Ilocos Sur sa Vigan. Panawagan nila ang karapatan at makatwirang halaga sa kanilang mga produkto.

Itinaon ang pagkilos sa Tobacco Tripartite Consultative Conference ng National Tobacco Administration (NTA) sa Quezon City noong Setyembre 25. Ang TTCC ay ginaganap kada dalawang taon at nagtatakda ng presyo ng tabako. Nagsasabwatan ang NTA at ang mga kumpanya sa tabako para pigilan ang makabuluhang pagtaas ng produktong tabako ng mga magsasaka.

Batay sa pag-aaral ng mga magsasaka, dapat nasa P128/kilo ang presyo ng tabako, nang walang klasipikasyon. Sa kasalukuyan, ang abereyds na bentahan ng tabako ay P80/kilo lamang. Mula 2003, napako sa taunang abereyds na P3 ang itinaas ng presyo nito samantalang apat na beses nang tumaas ang gastos sa produksyon tungong P273,600.

Dulot din ng hirap sa pagtatanim at labis na pagkalugi, lumiit na ang bilang ng nagtatanim ng tabako. Noong taong 2016 mayroon na lamang 40,892 magsasaka ng tabako mula sa 53,959 noong 2013. Lumiit naman ang lupang tinatamnan ng tabako nang halos 30%.

Ang tabako na Virginia ang karaniwang gamit sa produksyon ng sigarilyao ng mga kumpanyang Philip Morris Philippines Manufacturing Inc. at Fortune Tobacco. Kontrolado nila ang 90% ng merkado ng sigarilyo sa bansa. Noong 2017, nagtala ang dalawang kumpanya ng netong kita na di bababa sa P8.4 bilyon.

#KampuhanIlocos, inilunsad