P30,000 sahod, iginiit ng mga guro
AABOT SA 5,000 mga guro, empleyado ng gubyerno at manggagawang pangkalusugan ang nagmartsa noong Oktubre 4 tungong Mendiola upang igiit sa rehimeng Duterte na tuparin na ang pangako nitong dagdag sahod. Sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), nagbuo ang mga guro ng pormasyon sa hugis ng “30K” bilang simbolo ng kanilang kampanyang itaas ang sahod tungong P30,000 para sa bagong empleyong mga guro.
Ayon naman sa All Government Employees Unity, makabuluhang dagdag-sahod ang dapat na ipatupad at hindi baryang umento. Bukod sa P30,000 para sa mga bagong empleyong guro, hinihingi rin nila na ipatupad ang P16,000 pambansang minimum na sahod para sa mga kawani at P31,000 na buwanang sahod para sa mga propesor sa kolehiyo.
Binatikos ng ACT ang inihain sa pambansang badyet ng 2020 na P61 dagdag sahod kada araw para sa mga guro. Sa kasalukuyan, mayroong 800,000 bagong empleyong mga guro. Tumatanggap sila ng P20,754 na buwanang sahod. Daing ng mga guro, bukod sa pasan nila ang dami ng trabaho, higit na pahirap ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kaltas sa mga batayang serbisyo.