Isang taon ng Sagay Massacre: sumasahol na pandarahas ng rehimeng US-Duterte sa masang Magsasaka
October 20, 2019
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa paggunita ng buong sambayanan sa isang taong anibersaryo ng Sagay Massacre. Noong Oktubre 20, 2018, pinagpapaslang ng mga elemento ng Special Civilian Active Auxilliary (SCAA) ng AFP ang siyam na magsasaka kabilang ang dalawang menor de edad sa Hacienda Nene, Purok Fire Tree, Barangay Bulanon, Sagay City, Negros Occidental. Pinukaw ng naturang masaker ang atensyon ng bansa at itinulak ang rehimeng US-Duterte na harapin ang batayang suliranin ng masang magsasaka hinggil sa kawalan ng reporma sa lupa.
Ngunit isang taon makalipas, wala pa ring ni anumang komprehensibong plano sa reporma sa lupa ang rehimen. Hindi linubayan ni Duterte, ng AFP at PNP ang Negros bagkus ay tumindi pa ang teroristang kabuktutan na pangunahing nakatutok sa masang magsasaka. Simula nang masaker sa Sagay, apat na serye ng operasyong militar ang isinagawa kabilang ang pagpatay sa 14 na magsasaka sa loob ng isang araw sa syudad ng Canlaon at mga bayan ng Manjuyod at Sta. Catalina noong Marso 30. Noong huling linggo ng Hulyo, 16 na mga sibilyan, kabilang ang ilang mga pulitiko, propesyunal, at bata ang sunud-sunod na pinagpapaslang ng mga Duterte Death Squads.
Pinanalasa ni Duterte hindi lang sa Negros kundi sa buong bansa ang AFP-PNP Joint Campaign Plan Kapanatagan. Buu-buong ipinatupad ang MO 32 at EO 70 sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Kapansin-pansing pinakamatindi ang pandarahas sa mga lugar na pinakamatindi rin ang kawalan ng lupa.
Bilang isa sa mga laboratoryo ng MO 32 at EO 70, hindi nalalayo ang mga nagaganap na karahasan ng militar sa Negros sa Kabikulan. Sa rehiyon, walang pakundangan ang panggugulo, panlilinlang at pasistang pandarahas ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) at RTF-ELCAC. Ngayong taon, umabot na sa 21 ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon kabilang ang apat na sibilyang pinatay sa Catanduanes at Masbate matapos pormal na buuhin ang RTF-ELCAC noong Agosto. Bitbit ang ‘bagong’ moda ng operasyong Community Support Program (CSP), sinusuyod ng militar at pulis ang mga komunidad sa rehiyon upang pwersahang ipatupad ang EO 70 at bigyan ng ligal na bihis ang pinatinding pangwawasak, pandarahas at pamamaslang.
Sa Masbate, tuluy-tuloy ang operasyon ng mga tropa ng 2nd IB, MICO at PNP Masbate. Buu-buong mga komunidad sa kanayunan ang pinararatangang kasapi o may kaugnayan sa NPA at sapilitang pinasusurender. Pinagbabantaan din ang mga lokal na upisyal na papatayin kapag hindi sumunod sa atas ng militar na gumawa ng mga task force sa antas-lokal at mga resolusyong nagdedeklara ng persona-non-grata laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Sa mga lugar na pinaglulunsaran ng CSP operations sa buong rehiyon, lumobo ang bilang ng mga pamamaslang at abusong militar. Sa San Fernando, isla ng Ticao, Masbate, pinaslang ng mga elemento ng militar sina Herardo Alcovendaz, Arnie Espenilla at Pizo Cabug sa loob lamang ng ilang araw. Kamakailan, pinaslang din si Juvy Bulanrina sa Brgy. Iraya, bayan ng Cawayan.
Kakambal ang pinatinding pandarahas, walang awat din ang atake ng rehimen sa kabuhayan ng masa lalo sa kanayunan. Dulot ng todong liberalisasyon sa agrikultura, tuluy-tuloy ang pagbagsak ng presyo ng mga pangunahing agrikultural na produkto tulad ng palay, kopra at karneng baboy sa harap ng sumasahol na epekto ng TRAIN Law. Dahil maraming magsasaka ang napipilitang magbenta ng kanilang mga taniman, napabibilis ang pang-aagaw at pangangamkam ng mga lupaing ito.
Ngunit ito ang dapat tandaan ng rehimeng US-Duterte. Sa harap ng tumitinding pasista at neoliberal na atake sa masang magsasaka, ilinuluwal ng mga pangyayaring tulad ng masaker sa Sagay ang milyun-milyong poot tungo sa pinalakas at pinahigpit na pagkakaisa kasama ang iba pang inaapi at pinagsasamantalahang sektor. Ang lakas na ito ang tiyak na bibigo at magpapabagsak sa teroristang rehimeng US-Duterte. Higit lamang na itinutulak ng sumasahol na pandarahas ang milyun-milyong masang magsasaka na maglunsad ng tuluy-tuloy at pinaigting na mga anti-pyudal na pakikibaka upang igiit ang kanilang mga karapatan at interes. Sinusuportahan at tuwiran silang lumalahok sa digmang bayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo.
Isang taon ng Sagay Massacre: sumasahol na pandarahas ng rehimeng US-Duterte sa masang Magsasaka