Ayuda, hindi importasyon at pautang
IGINIIT NG MGA progresibong organisasyon ng magsasaka nitong Oktubre na kaagad itigil ng rehimeng US-Duterte ang importasyon ng bigas at bigyan ng kinakailangang ayuda ang mga magsasaka ng palay. Ipinanawagan nila ang pagbabasura sa Batas sa Liberalisasyon ng Bigas o RA 11203 na malaking pabigat pa sa mga magsasaka. Anila, walang magiging silbi ang mga makina at pananaliksik kung patay na ang mga magsasaka sa palayan.
Sa Metro Manila, nagsimula ang serye ng mga pagkilos sa World Food Day noong Oktubre 16. Nagkaroon din ng pagkilos sa Cabanatuan City at San Jose City sa Central Luzon. Binatikos ng mga magsasaka rito si Sen. Cynthia Villar na pangunahing nagsulong ng nasabing batas. Isa ang pamilyang Villar sa dati nang nakikinabang sa pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural para gamitin sa mga proyektong pabahay.
Sa Bicol, itinayo ng mga magsasaka ang panrehiyong sangay ng alyansang Bantay Bigas. Nagkaroon ng pagkilos sa Legazpi City, Albay. Bukod sa pagpapataas ng presyo ng palay, panawagan din ng mga magniniyog na huwag silang dayain sa timbangan. Kinundena rin nila ang militarisasyon at karahasan ng AFP sa mga komunidad sa kanayunan.
Benepisyo sa pakikibaka
Nagresulta sa pagkamit ng mga benepisyo ang walang humpay na pakikibaka ng mga magsasaka sa Cordillera para sa nararapat na ayuda at benepisyo sa nakaraang mga buwan.
Noong Mayo, naigiit ng 3,000 magsasaka sa Abra na maglaan ng pondo ang lokal na gubyerno bilang ayuda sa mga biktima ng tagtuyot. Sa bayan ng Malibcong, naigiit ng mga magsasaka na bigyan sila ng 12 kuliglig gamit ang pondo mula sa buwis sa tabako at 50 kaban na bigas mula naman sa pondong pangkalamidad ng munisipyo. Sa muling pagtitipon ng mga kinatawan ng mga organisasyon ng mga magsasaka noong Hunyo, iginiit naman nilang ibigay ng munisipyo ang subsidyong bigas mula sa P4.5 bilyon pondong pangkalamidad nito. Isa ang Abra sa mga prubinsyang malalang tinamaan ng tagtuyot sa Cordillera. Tinatayang umabot sa 70,000-80,000 ektarya ang nasalantang mga sakahan sa kapatagan at mabubundok na bahagi ng prubinsya.