Manggagawa ng Wyeth-Nestlé, nagpiket
Nagpiket ang mga manggagawa ng Wyeth-Nestlé noong Oktubre 14 sa harap ng kumpanya sa Cabuyao, Laguna. Dismayado sila sa naging resulta ng collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng maneydsment at mga upisyal ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPU).
Anang unyon, napakaliit ng iniaalok na dagdag-sahod gayong ipinagmamalaki ng kumpanya na kumikita ito ng P17 bilyon kada taon. Maliban sa dagdag na benepisyo, giit din ng mga manggagawa na gawing regular ang 300 kontraktwal sa kumpanya at ibalik ang mga manggagawang iligal na tinanggal. Ang Wyeth-Nestlé ay multinasyunal na kumpanyang nagmamanupaktura ng pagkain at gatas para sa mga sanggol.
Kinundena ng WPPU ang pagtanggi ng maneydsment na gawing regular ang mga manggagawa. Anila, nakaayon ito sa programa ng kumpanya na Factory 2020, na target makapagkamal ng higit pang tubo gamit ang kontraktwalisasyon at pagsupil sa nakatayong unyon sa pabrika.
Noong Oktubre 16, nagwelga rin ang mga manggagawa ng Regent, isang kumpanyang lumilikha ng pagkain. Itinayo ng mga manggagawa ang kanilang piket sa mga tarangkahan ng kumpanya sa Kalawaan, Pasig at Tipas, Taguig City.
Inireklamo ng mga manggagawa ang kontraktwalisasyon sa kumpanya. Anila, mayorya sa mga manggagawa ay 20 taon nang nagseserbisyo sa kumpanya ngunit mga kontraktwal pa rin. Bagsak din ang kanilang sahod. Hindi rin tinutupad ng maneydsment ang napagkaisahan sa CBA at hindi kinikilala ang mga bagong upisyal ng unyon. Dagdag pa, dinadahas ng kumpanya ang mga upisyal ng unyon sa layuning takutin sila at buwagin ang kanilang unyon.