Martsa laban sa climate change

,

Lumalaganap ngayon sa buong daigdig ang mga pagkilos laban sa mga patakaran at kumpanyang sumisira sa kalikasan at lumilikha ng mga pagbabago sa klima. Noong 2018, sinimulan ang mga pagkilos tuwing Biyernes sa ilalim ng kampanyang #FridaysForFuture (o Biyernes para sa kinabukasan). Katangi-tangi sa mga protestang ito ang presensya ng mga bata at kabataan, laluna ng mga estudyante.

Pinakamalaki ang naging mga protesta noong Setyembre 20 hanggang Setyembre 27 nitong taon. Tinatayang umaabot sa anim na milyong kabataan sa buong daigdig ang lumahok sa iba’t ibang porma ng pagkilos. Higit isang milyon ang nagmartsa sa Italy. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa New Zealand, Netherlands at Spain. Nakiisa rin ang mga bansang Indonesia, South Korea, Taiwan at iba pa. Ang mga pagkilos ay kasabay sa panawagan ni Greta Thunberg, isang 16-taong gulang na estudyanteng taga-Sweden, na mag-isang nagprotesta laban sa kanyang gubyerno noong 2018.

Sa United Kingdom, nagsimula ang Extinction Rebellion, isang di-marahas na kampanya ng pagsuway sa gubyerno noong Oktubre 7. Bilang tugon, 1,500 raliyista ang inaresto sa London, at 92 sa kanila ang kinasuhan ng iba’t ibang paglabag sa batas. Mayroon ding katulad na mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa Pilipinas, nagmartsa ang 600 kabataan at estudyante sa UP Diliman noong Setyembre 20. Bumuo sila ng isang malaking hugis mundo bilang simbolo na ang kabataan ang magmamana sa pagkasira nito. Pinangunahan ang martsa ng Youth Advocates for Climate Action Philippines, Agham Youth at Kalikasan People’s Network for the Environment.

Ano ang climate change?

Ang climate change o pagbabago sa klima ang bumibilis na pagtaas ng temperatura ng daigdig. Kabilang sa mga pagbabagong ito ang pagtaas ng lebel ng tubig-dagat, pagdalas ng biglaan at matitinding pagbabago ng panahon, mas mainit na temperatura at mas malakas na pagbuhos ng ulan. Humuhugis ito sa mga bagyo, pagguho ng lupa, baha, tagtuyot at iba pa.

Maaapektuhan ng mga pagbabagong ito ang mga halaman, hayop at mismong mga tao. Malaking bahagi ng mga tirahan ng mga hayop ay nawawala na dahil sa pagkasunog o pagkasira.
Ayon sa Global Climate Index, nagkaroon na ng 11,500 matitinding pagbabago ng panahon sa pagitan ng 1998 at 2017 kung saan 526,000 katao ang namatay. Sinira nito ang mga sakahan, produkto at ari-ariang nagkakahalaga ng $3.4 trilyon.

Panlima ang Pilipinas sa pinakabulnerable sa pagbabago sa klima sa buong mundo. Sa Pilipinas, nagkaroon ng 307 gayong mga pagbabago ng panahon, karamihan malalakas na bagyo, mula 1998 hanggang 2017. Umaabot sa $3 bilyon ang nasira sa mga bagyong ito. Pinakamalalaki rito ang mga bagyong Yolanda (pandaigdigang pangalan: Haiyan, 2013), bagyong Pablo (Bopha, 2012) at bagyong Ondoy (Ketsana, 2009.) Dulot ng pagkaatrasado ng lokal na ekonomya, nakaasa ang pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan sa mga rekursong madaling tamaan at wasakin ng naturang mga sakuna.

Sa ulat na inilabas ng Climate Accountability Institute nitong Oktubre, pinangalanan ang 20 kumpanya na nangungunang dahilan ng climate change. Karamihan sa mga kumpanyang ito ay mga kumpanya sa enerhiya na naglalabas ng carbon dioxide at methane. Nangunguna sa listahan ang Chevron, ExxonMobil at Shell. Kabilang din sa listahan ang Saudi Aramco at PetroChina, mga kumpanyang pagmamay-ari ng mga gubyerno. Tinatayang nasa 35% o 480 bilyon tonelada ang inilabas ng mga ito mula pa 1965. Ang carbon dioxide (pangunahing sa usok ng mga pabrika at sasakyan) at methane ang pangunahing mga elemento na nagkukulong ng init sa atmospera.

Sa kasaysayan, ang US ang numero uno sa mga bansang pinakamalaking nagpapakawala ng carbon dioxide sa ere (17% ng lahat ng mga carbon dioxide emission), ayon sa Union of Concerned Scientists. Naungusan na lamang ito ng China noong 2011. Noong 2016, kabilang ang US at China sa pinakamapangwasak sa kalikasan na kapitalistang mga bansa tulad ng India, Russia, Japan at Germany.

Martsa laban sa climate change