Mga manggagawa sa NKTI, nagtagumpay
INIANUNSYO NOONG OKTUBRE 11 ng asosasyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang kanilang mga tagumpay sa kanilang collective negotiating agreement (CNA) sa maneydsment ng ospital.
Nagiit ng mga manggagawa ang pagbibigay sa kanila ng mga benepisyo tulad ng dagdag na pondong paluwagan (P5,000 kada manggagawa), libreng pagkain, libreng ospitalisasyon para sa pagpapa-opera at iba pang benepisyong medikal, at dagdag na pondo para sa mga magreretiro (P70,000).
Ang NKTI ay ospital na nag-eespesyalisa sa paggamot sa mga sakit sa bato. Bagamat kontrolado ito ng estado, matataas ang bayarin dito dahil korporatisado ang pamamalakad nito at ang oryentasyon nito ay kumita. Ang asosasyon ng mga empleyado rito (NKTI Employees Association) ay myembro ng Alliance of Health Workers.