Militar at mina, kambal delubyo sa Tampakan

,

Muling umigting ngayong taon ang walang awat na kampanyang militar sa mga hangganan ng mga prubinsya ng South Cotabato, Davao del Sur, Sultan Kudarat at North Cotabato. Naglunsad ng operasyong dumog sa naturang lugar ang mga pasistang pwersa ng 39th IB, 27th IB, at 73rd IB sa ilalim ng 1002nd IBde ng AFP, at ang Special Action Force at Regional Public Safety Battalion ng Philippine National Police ng Region 11 at 12 upang bigyang daan ang muling pag-opereyt ng Tampakan Copper-Gold Project.

Mula Oktubre 2018, umabot na sa 12 operasyong militar ang nailunsad ng AFP sa lugar. Tatlo rito ay laking-batalyong operasyon, pito ay laking-brigada at dalawang laking dibisyon na nagsimula mula pa noong Hunyo. Dinagdagan din ng dalawa ang dati nang nakapwestong 54 na detatsment na nakapaligid sa lugar.

Isinabay sa mga operasyong militar ang sunud-sunod na pagpasok ng mga kagamitan at makinaryang pangmina sa lugar. Noong Nobyembre 2018, sinimulan na ng Major Drilling Corporation (MDC), isang Australyanong kontraktor, ang paghuhukay nito sa lugar.

Mapaminsalang mina

Isinabay din sa mga operasyong militar sa lugar ang mga maniobra ng kumpanya para tanggalin ang natitirang ligal na mga hadlang sa mga operasyon nito. Nireklasipika rin ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Agrarian Reform, at lokal na gubyerno ng Tampakan na pabor sa mina ang mga lupang naipamahagi na sa ilalim ng mga Certificate of Ancestral Domain Title at Certificate of Land Ownership Award. Nagbunga ito ng kaguluhan sa pagitan ng mga Lumad at setler na magsasaka. Nagsampa rin ang kumpanya ng mina ng petisyon para sundin ang mga probisyon ng Mining Act of 1995 sa halip na ang Local Environment Code ng South Cotabato na nagbabawal sa open-pit mining.

Noong 2014, napatigil ang operasyong mina dahil sa walang-awat na armadong paglaban ng mamamayan. Napaatras din ng malawakang kampanyang kontra-mina ang multinasyunal na Xstrata noong 2016. Naglabas din ng resolusyon ang lokal na gubyerno sa parehong taon na nagbabawal sa open-pit mining. Gayunpaman, muling pinahintulutan ng rehimeng US-Duterte ang operasyon sa mina matapos ipasa ang proyekto sa kumpanya ng mga burges-kumprador tulad nina Henry Sy, Jr. (SM Investment Corp.), David Consunji (SODACO), Manuel Pangilinan (Philex), Tomas Alcantara (SMI /Alsons Investment), at Lucio Tan, Jr. (MRC Allied).

Kasalukuyan nang nag-oopereyt sa lugar ang IndoPhil, multinasyunal na kumpanyang Australian, ang pinakamalaking kumpanya ng mina sa Tampakan na itinayo ng dating mga manedyer ng Western Mining Corporation (WMC). Pagmamay-ari nito ang 40% ng Sagittarius Mines Inc. Kabilang sa mga pangunahing kasosyo ng IndoPhil ang San Miguel Corporation at Alcantara Group.

Ang Tampakan Gold-Copper Project ay nagkakahalaga ng $5.9 bilyon sa kabuuan. Ang Tampakan ang may pinakamalaking reserba ng ginto at tanso sa Southeast Asia. Ayon sa ulat ng Xstrata-SMI, matatagpuan dito ang 2.4 bilyong toneladang mineral na rekurso kabilang ang 13.5 milyong toneladang tanso at 15.8 milyong ounce ng ginto. Tinatayang aabot sa 375,000 toneladang tanso at 360,000 ounce ng ginto kada taon ang maaaring makuha dito sa loob ng 17 taon.

Walang patid na paglaban

Ang muling pagbubukas ng mina ay sinalubong ng malakas na pagtutol ng mga Lumad at ng mamamayan ng Timog Mindanao. Sa Kiblawan, Davao del Sur, isang makina sa paghuhukay ng MDC ang sinunog ng mga B’laan ngayong taon. Sa inilunsad na porum hinggil sa mina noong Setyembre 13 sa Notre Dame of Marbel University sa Koronadal City, mariing tinutulan ni Bishop Cerila Casicas ng Diocese of Marbel ang open-pit mining at nanawagan siya na ipahinto na ang operasyong mina.

Batid ng mga tumututol sa mina na ang panunumbalik ng proyekto at ang nagpapatuloy na batas militar sa Mindanao ay magreresulta sa matitindi pang paglabag sa karapatang-tao. Sariwa pa sa kanilang alaala ang masaker sa pamilyang Capion, pagpaslang kay Datu Anting Freay at sa aktibistang si Boy Billanes. Lahat ng nabanggit na mga biktima ay pinaslang ng reaksyunaryong estado dahil sa kanilang pagtutol sa pagmimina sa Tampakan.

Militar at mina, kambal delubyo sa Tampakan