Neoliberal na mga patakaran, nilabanan sa Ecuador

,

Naglunsad ng welgang bayan ang puu-puong libong mamamayan ng Ecuador mula Oktubre 3-13 sa kabisera sa Quito para ipahayag ang kanilang pagtutol sa “Pacquetazo Package” o serye ng mga neoliberal na repormang ipinatupad ng rehimen ni Pres. Lenin Moreno. Ipinatupad ito kapalit ng pautang na $4.2 bilyon mula sa International Monetary Fund (IMF) noong Pebrero.

Kabilang sa mga kundisyon na ipinataw nito ang pagbabawas ng gastos para sa mga serbisyong sosyal, malawakang tanggalan ng mga kawani, at pagtatanggal ng mga subsidyo. Nagresulta ang mga patakarang ito sa mabilis na pagsidhi ng krisis sa ekonomya at pulitika ng bansa.

Pinakamasahol sa mga patakarang neoliberal ang pagtatanggal sa $1.3 bilyong subsidyo para sa gasolina at diesel na nagresulta sa pagdoble ng presyo ng nasabing mga produkto, at pagsirit ng presyo ng lahat ng batayang bilihin. Dagdag na pasakit ang dagdag na buwis na ipinataw ni Moreno sa ordinaryong mga mamamayan.

Para makaakit ng dayuhang pamumuhunan, pinababa naman niya ang buwis sa mga korporasyon at taripa sa mga produktong agrikultural at industriyal. Kinaltasan din ni Moreno ang sahod ng mga manggagawa at pinagkaitan sila ng mga batayang karapatan sa paggawa gaya ng kompensasyon para sa mga tinatanggal sa serbisyo.

Layunin ng mga repormang ito na wasakin ang kakayanan ng Ecuador na tumindig sa sarili nitong mga paa at igapos ito sa malakolonyal na dominasyon ng imperyalismong US.

Kasabay ng welgang bayan, sinuspinde ni Moreno ang karapatang mag-organisa, mag-asembliya at magprotesta sa loob ng 60 araw upang supilin ang paglaban ng mga Ecuadorian. Ginamit niya ang militar at pulisya para marahas na buwagin ang mga protesta. Nagresulta ito sa pagkamatay ng hindi bababa sa walong sibilyan, habang 800 naman ang inaresto at libu-libo ang sugatan.

Noong Oktubre 14, natulak si Moreno na pansamantalang iatras ang mga patakaran ng IMF dahil sa tindi ng pagtutol dito.

Neoliberal na mga patakaran, nilabanan sa Ecuador