Paano nagkamal ng yaman ang mga Alcantara?
Malaki ang puhunan ng pamilyang Alcantara sa kontrobersyal na Tampakan Copper-Gold Project. Isa lamang ito sa mga negosyo ng Alsons Consolidated Resources Incorporated (ACR o Alcantara Group), isang dambuhalang kumpanyang may samutsaring sangay ng negosyo na nakabase sa Mindanao. Kontrolado rin ng Alcantara Group ang malaking sapi sa Australian na kumpanyang Indophil Resources NL. Kabilang sa iba pang mga negosyo nila ay sa aquaculture, agrikultura, konstruksyon, enerhiya at pagtotroso.
Kilalang negosyante sa Davao City ang pamilyang Alcantara at malapit na kaibigan at tagasuporta ni Rodrigo Duterte. Ang presidente ng Alcantara Group na si Tomas Alcantara ay kasalukuyang ika-33 na pinakamayamang Pilipino. Tinatayang umaabot sa $300 milyon ang kanyang kabuuang yaman.
Dumating ang pamilyang Alcantara sa Mindanao noong dekada 1950. Sa pamamagitan ng programang resettlement ng gubyerno, kinamkam ng kanilang amang si Conrado ang mga lupa at konsesyon sa pagtotroso sa Sarangani (dating bahagi ng South Cotabato) at General Santos (dating distrito ng Buayan at Dadiangas). Mas lumawak ang kanilang ari-arian nang kamkamin nila ang mga lupang ninuno ng mga Moro at B’laan. Dumami rin ang kanilang negosyo nang agawin ni Conrado ang isang rantso sa Alabel at kumpanya ng pagtotroso sa Davao del Norte.
Mabilis na lumaki ang yaman ni Alcantara at nagkaroon ng mga ari-arian sa Davao at iba pang mga lugar sa Mindanao. Taong 1962, itinatag ng pamilya ang Alsons Development and Investment Corporation, ang kauna-unahang debeloper ng real estate sa Davao City.
Ibayong lumawak ang pangangamkam ni Alcantara nang itayo niya ang Iligan Cement Corporation noong 1968. Nakinabang siya sa mga makinaryang pangmanupaktura ng semento mula sa Japan na bahagi ng kabayaran ng bansa sa mga pinsala ng World War 2.
Naging matalik na kaibigan at kroni ng diktador na si Marcos ang pamilya Alcantara. Sa proteksyon ng Malakanyang, lalo pang lumawak ang Iligan Cement noong dekada 1980 sa kabila ng krisis at maigting na kumpetisyon ng mga kumpanya sa semento. Ang dating Iligan Cement ay naging Alsons Cement Corporation at kasalukuyang kasosyo ni Ramon Ang sa Holcim Philippines.
Binigyan din ni Marcos ang Alsons ng Timber License Agreement (TLA) para sa libu-libong ektaryang konsesyon sa pagtotroso sa Davao del Norte. Ang nasabing kumpanya ay nag-eeksport ng mga produktong kahoy sa China, US at ilang bansa sa Europe. Nang mapatalsik ang diktador noong 1986 at naupo sa poder si Cory Aquino, naging maimpluwensyang myembro ng gabinete nito ang hipag ni Conrado Alcantara na si Paul Dominguez.
Napaso ang TLA ng Alsons noong 1989 ngunit pinalitan lamang ito ng bagong kontrata sa ilalim ng programang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) ni Aquino. Binigyan ang kumpanya ng humigit-kumulang 45,000 ektarya na sumasakop sa halos buong Talaingod at sumasaklaw sa 19,000 ektaryang lupang ninuno ng mga Ata-Manobo. Nilabanan ng mga Ata-Manobo ang pang-aagaw ng Alsons sa kanilang lupain.
Gamit ang hawak na IFMA, nagpalawak pa ang Alsons sa pagmimina at agribisnes matapos makakuha ng P350-milyong pautang mula sa Asian Development Bank.
Namuhunan din ang mga Alcantara sa aquaculture noong dekada 1980. Ang Alsons Aquaculture Corporation ang pinakamalaking eksporter ng sariwang bangus at mga produktong bangus sa bansa ngayon. Ang mga produkto nito ay iniluluwas sa US, Canada, Australia, UK, Japan, Singapore, Hongkong at Micronesia.
Mabilis din ang pagpapalawak ng Alcantara Group sa mga negosyo nito sa enerhiya at kuryente sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act ng gubyerno. Mayroon ito ngayong pitong plantang pang-enerhiya sa iba’t ibang lugar ng bansa na pinatatakbo ng mga subsidyaryo nito.