39 kaswalti ng AFP at PNP
HINDI BABABA SA 19 ang napatay at 20 ang sugatan sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa gitna ng matitinding operasyong militar nitong Oktubre. Isinagawa ang mga aksyong militar sa Mindoro, Masbate, Samar, Negros at Mt. Province.
Sa Occidental Mindoro, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang dalawang trak ng 4th IB sa Sityo Amaling, Barangay Manoot, Rizal noong Oktubre 28. Lulan ng mga ito ang may 60 sundalo. Hindi bababa sa sampu ang sugatan sa mga berdugo.
Bago nito, isang sundalo ang nasawi at dalawang iba pa ang sugatan sa 4th IB nang ambusin sila ng BHB noong Oktubre 23. Isinagawa ang opensiba sa Sityo Mantay, Barangay Monteclaro, San Jose, sa parehong prubinsya.
Mula pa Abril naglulunsad ng nakapokus na operasyong militar ang AFP at PNP sa mga bayan ng Rizal, San Jose at Magsaysay, Occidental Mindoro at sa Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao, Oriental Mindoro. Patuloy din ang paghahasik ng mga ito ng takot sa mga residente ng Sablayan at Calintaan sa Occidental Mindoro, at Victoria at Socorro sa Oriental Mindoro. Pangunahing apektado ng mga operasyong ito ang kabuhayan ng mga katutubong Mangyan at magsasaka sa lugar.
Sa Masbate, inambus ng BHB ang mga elemento ng 2nd IB na nag-ooperasyon sa hangganan ng mga barangay ng Mabiton at Taguilid sa Claveria noong Nobyembre 1, alas-11 ng umaga. Lima ang nasawi at isa ang sugatan sa hanay ng AFP. Kasunod nito, hinaras ng isa pang yunit ng BHB-Masbate ang kampo ng 2nd IB sa Barangay Togoron, Monreal, bandang alas-3 ng hapon. Noong Oktubre 31, isang trak lulan ang mga tropa ng 2nd IB ang inambus ng mga Pulang Mandirigma sa kahabaan ng Barangay Panisijan, Uson.
Sa Northern Samar, matagumpay namang hinarap ng BHB ang matinding operasyon ng 20th IB at 81st Division Reconnaissance Company sa Las Navas mula unang linggo ng Oktubre. Sa mga inilunsad na aksyong militar ng BHB mula Oktubre 6-16, nakapagtala ng 11 napatay at tatlo ang sugatan sa hanay ng AFP.
Pinarangalan ng BHB-Northern Samar si Roger Pajenado Cocoya (Ka Uno) na namartir sa labanan noong Oktubre 12. Kinilala ng BHB si Ka Uno bilang walang-pagod na organisador ng kanyang kapwa kabataan at magsasaka. Aktibo siyang kasapi ng yunit milisya bago nagpultaym sa hukbong bayan.
Sa panahon ng operasyong militar ng AFP, naiulat ang mga paglabag sa karapatang tao sa Barangay Epaw, pagbakwit ng mga residente ng Barangay Sag-od, pandarahas at panghihimasok sa mapayapang pamumuhay ng mga magsasaka sa lugar.
Sa Negros Occidental, isang elemento ang patay at tatlo ang sugatan sa pinagsanib na pwersa ng 62nd IB at PNP matapos silang i-haras ng mga Pulang mandirigma noong Oktubre 9 sa Sityo Basak, Barangay Tan-awan, Kabankalan City. Bago nito, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo ng 62nd IB sa Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Oktubre 6. Inatake rin ang mga tropa ng 94th IB sa Sityo Cabangahan, Barangay Bantolinao, Manjuyod, Negros Oriental noong Oktubre 3.
Sa Mt. Province, mahusay na nakapagdepensa ang mga kasapi ng BHB laban sa nag-ooperasyong tropa ng 5th ID noong Oktubre 24 sa Suquib, Besao. Isa ang patay habang isa naman ang sugatan sa Division Reconnaisance Company ng 5th ID. Matapos ang labanan, walang habas na nagpaputok ang mga sundalo sa mga sakahan ng mga residente. Kinanyon din nila ng mortar ang lugar.